Wednesday, January 28, 2009
HULA SCOOP: Magpasalamat sa mga Biyayang Natatanggap
HULA: Magpasalamat ka sa kung anong biyaya ang binigay sa’yo ng Diyos, huwag mong hayaang liparin ito ng hangin.
SCOOP: Narito ang isang halimbawa ng pagpapahalaga sa biyaya nawa'y kapulutan n'yo ng aral.
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
Si Nonong, isang simpleng bata ay malayo ang iniisip, nakatanaw at minamasid sa malayo ang mga ibang bata na naglipana sa bundok na ‘yun, bundok nga ba ang masasabi sa lugar na yun? Mga tambak na marurumi at sirang gamit, mga panis na pagkain na nilalangaw na, mga plastic bag na pinaglagyan ng mga basura, mga yuping lata, mga pira-pirasong bakal, at iba pa halo-halo, mga bagay na tumaas ng tumaas sa naipong mga basura…ang smokey mountain.
Ang mga bata ay abalang nag-aagawan at naghahanap ng mga bagay na maaari pang pakinabangan at maipagbili na siyang pantawid gutom ng kanilang pamilya, hindi alintana ang baho, amoy at usok ng basura at ang mga langaw na dumadapo sa kanilang katawan, hindi pala langaw kundi bangaw sa laki ng mga ito.
Habang abala ang mga bata sa kanilang ikinabubuhay ay napapalatak na lamang si Nonong, sa kanyang isipan gusto niyang tumulong sa mga ito, pero paano? Siya na natutulog sa malambot na kama , kumakain ng masasarap na pagkain, may katulong at yaya na nauutusan kapag siya’y nagugutom, pinaghahain, pinagtutupi ng mga damit niya, nagliligpit ng mga laruan niya kapag nagsawa na siya sa kakalaro ng mga ito. Nagagalit pag hindi nasunod ang gusto, maglalaro ng mga video games niya, may gameboy, playstation, nintendo, xbox, wii, at iba pa, halinhinan sa mga ito. Nakakapagsuot ng mga mamahaling damit, branded pa na may logo ng Ralph Lauren, Abercrombie, Hollister, Armani, Lacoste, you name it na sa kanya na yata lahat pero parang may kulang …hindi siya masaya sa kanyang nararamdaman.
Gusto niyang tulungan ang mga batang nakikita niya kung paano mamuhay…hindi sila normal, hindi normal dahil sa isang katulad din niyang bata dapat naglalaro lang sila, nag-aaral, nanonood ng tv walang iniisip na problema pero itong mga batang ito, bata palang naghahanap-buhay na, tumutulong na sa kanilang magulang na kumita ng pera kahit sa maliit na paraan lang, pero siya….hindi pa nakukuntento sa mga natatanggap niya.
Habang siya’y nagmumuni ng kanyang nararamdaman ay may bigla na lang pumitik sa kanyang tenga, “Nonong tulog ka ng tulog! Hala mag-umpisa ka ng magtulak ng kariton mo no! Malayo pa ang iikutin mo sa pagbenta ng bote’t diyaryo! Napakamot na lamang si Nonong sa ulo….”Nay naman feel na feel ko na nga eh….Si Nanay talaga kill joy! Libre naman managinip no!”
PAUNAWA: Ang larawan na nasa itaas ay walang kinalaman kay Nonong. Naglalaro lamang ang bata at kinodakan este nikon-an ko lang siya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment