Saturday, December 18, 2010

HULA SCOOP: May bahagi sa puso mo na maawain...

Balai ni Mamay Private Resort Hot Spring sa Calamba, Laguna (dito kami nag outing)


HULA:
May bahagi sa puso mo na maawain, palakihin mo pa yan.

SCOOP:
Ang pagiging maawain ay likas na sa isang tao, siguro lalo na sa Pinoy, di ba? Syempre Pinoy tayo hehehe. Ang problema lang ay paano mo ito gagamitin sa tamang paraan at paano mo ito mauunawaan na awa ba ang umiiral sa'yo o katangahan na hehehe.

----------------------------------------------------------

Nang nagbakasyon ako sa Pilipinas nitong buwan ng Setyembre, ay nagkaroon kami ng munting salo-salo ng pamilya ng asawa ko, isang outing pagkatapos ito ng kasal sa selebrasyon ng ika-50 anibersaryo ng mga byenan ko. Nagpunta kami sa Calamba, Laguna kung saan sikat ang hot spring at mga private pool na alam naman natin na doon sila kilala.

So madaling sabi, swimming-swimming, chika-chika, hula-hula, kain-kain at kanta-kanta lam niyo na di mawawala ang karaoke dun hehehe, nag overnight kami ng dalawang araw...ay gabi pala (kaya nga overnight e hehehe).
Syempre pag may outing dapat may kainan din so kami ang toka sa pagkain, para makatipid (hehehe) pumunta kami sa "pamilihang bayan" (alam nyo ba ano yun?? hehehe). Matagal tagal na rin akong di nakakalanghap ng simoy ng imburnal este nakakaamoy ng amoy palengke, kaya ayun dun kami nagpunta. Nakakapanibago para sa kin pero sa mga tao na naroon eh walang pagbabago sa kanila hehehe, amoy palengke pa rin sila lol.

Habang namimili kami ng hipag at byenan ko, may lumapit sa kin na batang babae, nag-aalok ng kalamansi. So naawa naman ako dahil sa madungis na ay nakayapak pa siya, bumili ako ng dalawang balot na kalamansi, 15 pesos isang balot na plastic. Maya-maya, may nag-aalok uli ng kalamansi, sabi ko nakabili na ako sa kanya, sabi naman niya hindi raw siya yun. Ngek di pala siya yun, ay napahiya pa ako, akala ko kasi siya rin yun pareho kasing madungis hehehe at parang magkamukha sila, so bumili uli ako sa kanya ng isang balot. Aba, maya-maya meron na namang lumapit sa kin, wala pa raw siyang benta so ayun naawa naman ako, bumili uli ako. Kahit di ko naman kailangan ng kalamansi huhuhu....sana nga that time may ubo ako para binili ko na lang lahat ng tinda niya hehehe.

Anak ng kalamansi, di pa ako nakakalayo meron na namang kumalabit sa kin, at nag-aalok ng kalamansi uli sabi ko marami na akong nabiling kalamansi mukhang ngang magtitinda na ako ng kalamansi juice e sabi ko sa kanya at mas marami pa akong hawak kesa sa kanya. Hindi ko pinansin eh nangalabit na naman, sa loob-loob ko naaamoy ba nila ang galing ng ibang bansa at panay ang kalabit sa kin? amoy toblerone ba ko? hehehe (naks naman!)....so ayun naawa uli ako bumili uli ako sa kanya, mas mura pa 10 pesos lang, sabi ko sa nga sa kanya bakit ngayon ka lang nag-alok mas mura pala sayo (hehehe nanisi pa no). Sa loob-loob ko na lang, ano ba naman ang 10 o 15 pesos kumpara sa presyo ng kalamansi sa US. At least dito sariwa sa US madalang ang sariwa kalimitan nakalagay sa container at nakalabel na frozen "fresh" calamansi juice, frozen na fresh pa hehehe.


Medyo marami-rami na rin kaming napamili, may tilapia, manggang hilaw, bagoong, itlog na maalat, kamatis (tsalap! tsalap magkamay!) at syempre dito ako nakabili ng 5 kilong lansones. Magkalimutan na lahat wag lang ang lansones ko hehehe. Ayun, sa pagod kakalakad, nauhaw kami at nakita ko ang buko juice. Favorite ko yun at sabik na sabik ako sa buko juice. So bumili kami ng buko juice pamatid uhaw. Nang sa di kalayuan na kami, may nangalabit na naman sa kin, batang lalaki akala ko nagbebenta ng kalamansi uli...so inunahan ko na siya, sabi ko "boy ang dami ko ng kalamansi hindi na ko bibili," sabi niya hindi, sabay turo sa iniinom kong buko. Nauuhaw na raw siya kung pwede raw mahingi ang buko ko....ngek, anak ng buko nabigla ako pati pala iniinom mo eh hihingin pa rin sa'yo. Medyo malayo na kami sa magbubuko kaya sa halip na bilhan ko siya ng sarili eh binigay ko na rin! hehehe Hay naku, awa ba ito o katangahan na??? Hay nabitin tuloy ako sa buko juice! Di ko pa nananamnam ang sarap eh nahingi pa.


Ano ba yan! Ano bang nangyayari sa bansang Pilipinas??? Nakakaawa ang mga paslit na bata na sa murang edad ay naghahanap-buhay na sa halip na mag-aral ay laman na ng kalsada o palengke. Nakakaawa pero wala naman akong magawa kundi ang bilhan na lang ang kanilang tinitinda, kahit sa maliit na paraan ay makatulong sa kanilang naghihikahos na buhay....kahit na sa tingin ko na ang susunod na magtitinda ng kalamansi juice sa dami na napamili ko ay AKO hehehe.

Sayang kukunan ko sana ng picture ang mga batang kalamansi kaso iniisip ko baka hingin din ang camera ko eh at baka sa awa ko ay.....hindi ko pa rin ibibigay hahaha, eh gulpihin naman nila ko mahirap na.

PAHABOL:
Siya nga pala bago tayo magkalimutan, dalawin nyo naman ang "The Kablogs Journal" nafeature po ako dyan sa Dec issue. Makikita nyo na po ako dyan, panakot sa mga daga ninyo sa bahay hehehe.

Click mo na lang itong
"Click" para madali.

PAHABOL ULI:
Kung may tanong kayo kung anong direction papunta sa Balai ni Mamay Private Resort na yan, itanong nyo na lang sa iba, di ko rin kasi alam e, pasensiya na, pasahero lang hehehe.






Friday, December 3, 2010

HULA SCOOP: May Gusto Kang Makita Na Makikita Mo Na Rin

good luck sa kin sa pag-ayos ng kararating lang namin na mga gamit, sana mahanap ko ang hinahanap ko


HULA: May gusto kang makita na makikita mo na rin, maliban na lang kung naghahanap ka talaga nang gusto mo ngang makita (ang kulit!) na hindi mo pa nakikita.

SCOOP: Kung nagbabasa ka ng hula ko ngayon, malamang iisipin mo kung may hinahanap ka nga, kung wala, babalewalain mo na lang ito, kung meron naman mangingiti ka na lang sabay sabi na "ay oo nga!"

-------------------------------------------------

Kahit na wala pa kong internet eh naghanap talaga ako kung paano ako makakapagpost ngayon, mali kayo kung hinuhulaan nyong nakita ko na ang hinahanap ko. Well, medyo medyo pala na tama kayo hehehe pero kung anuman ang iniisip nyo, nagkakamali kayo hehehe. So ayun, ginamit ko ang "My wi" application sa iphone ko para magamit ko ang wifi ng cellphone ko sa laptop ko (thank you sa aking anak na dalaga, galing mo talaga!! thank you na rin sa pag jail break ng iphone ko hehehe) dahil kalilipat palang namin sa aming bagong bahay (hay sa wakas!! mga 3 buwan din kaya kaming naka suit case lang, ang hirap no!)...so sa madaling sabi (hay naku ang dami ko pa kasing kwento hehehe, lam mo naman ako, dami intro hahaha)....wala pa kaming internet connection. Ayun "the end" hehehe wait hindi pa..... na feature po ako sa "The Kablogs Journal" (click nyo yan after magbasa ng post ko ha) para sa December issue. Kaya......pagkakataon nyo na masilayan ang gusto niyong "makita" na si Sardonyx hehehe (baka tanggalin nila kagad yun at baka amagin ang journal nila sa kin hahaha)!!! Teka hanapin nyo pala sa "spotlight" feature sa bandang kanan ng page yun feature article para sa kin.

Salamat kay Nebz ng "Isla de Nebz" blog sa pakikipanayam sa akin (naks) sa pamamagitan ng email hehehe dahil sa magandang paglalathala ng aking buhay hehehe, siya po ang editor-in-chief at ang no.1 sa PEBA 2009 . Ang galing mo talaga Nebz, idol! At syempre sa bumubuo ng "The Kablogs Journal's" core team na sina Kenji Solis ng "Thoughtskoto," Charlie ng "Lord CM", at kay George ng "Palipasan." At sa iba pang editors, RJ, AZEL, Jess, atbp.

Di ko na hahabaan ito at naubos na ang memory ng cellphone ko hehehe, bye!

UKOL SA LARAWAN: Kuha mula sa cellphone ko, habang nag-a-unpack ng mga gamit ko (teka ano bang tagalog sa isang salita lang yun "unpack"? hindi naman impake kasi "pack" yun di ba?? hay naku bahala na kayo!). Naubos ko na ang maraming kahon na nakapatong-patong ng lagay na yan so malamang isang buwan ito bago matapos lalo na kung panay ang blog ko hehehe. Good luck for me!






Tuesday, November 16, 2010

HULA SCOOP: Maghahanap ka ng pagkakaabalahan mo



Congrats Manny!! (kuha este kinuha ko yun picture mula sa internet hehehe)

HULA: Maghahanap ka ng pagkakaabalahan mo upang kahit man lang sa isang saglit ay hindi mo maalala ang nagpapalungkot sa'yo.

SCOOP: Ubusin mo ang oras sa walang kapaparakang bagay para di mo maramdaman ang lungkot. Teka ano ba yang "kapararakang" na salitang tagalog na yan?? hehehe hindi ko rin alam, imbento ko lang hahaha


-----------------------------------------------------


Dahil sa wala rin akong magawa, ako'y naglakbay sa youtube para aliwin ko ang mga fans ng blog ko (teka meron ba??) yun nga...wala nga kong fans kaya, maghahanap na rin hehehe.

Ayun napunta ako sa mga videos ng laban ng idol ko na si Manny at naaliw ako sa mga comments ng mga tao, sila-sila nag-aaway sa laban ni Manny at ni Margarito, kaya eto ibabahagi ko sa inyo kung saan ako natawa, sana matawa din kayo:

Mga Comments sa laban ni Manny vs Margarito:

1. I couldn't tell if margacheato was chinese. His eyes looked chinito after getting his face whooped.

2. Rice is mightier than corn

3. MarGAYito hahahah big mouth at first zzzzz cant handle the fist of pacquiao? since when did you get that sausage on your eyebag margayito? haha

4. Whos da puto now ?!! haha margarita deserves it haha from mexican to chinese hahaha also now i know margarita is a cheater because after the fight he has 3rd eye hahaha

5. Poor margarito's face... hahahaha... that will be his christmas gift from manny's punches... happy holidays...

6. Yeah he can really take a punch and smart enough to throw a constant jabs. somebody should have told him that he has two hand. he threw left jabs the whole fight. what a dummy.

7. Manny Pacquiao really clearing the mexican boxers because he really wants to fight ZORRO

8. Margarito is very thankful to Pacquiao because pacman opened margarito's 3rd eye hehe :)

9. Indeed.. loud mouth like brandon rios.. shame on both of you.. PUTO de Kutchenta..

10.He's now called the "TIJUANA TORTILLA"

11. Gayweather shit his pants while watching pacquiao vs margarito fight and eating kfc...coz he does chicken right...lol

12. TO TO, TO TO TO, TO TO TOTOMATO FACE...

13. Pacquiao is the MEXICUTIONER!!!!!

14. Margarito should be really thankful that pacman gave him the chance to be paid as "punching bag" for 6million dollars...ur an expensive bag amigo...hahhaa..well i cd laughed at you now and this is the right time for me to pick on your street character mal educado mentalidad...now who is the puto like u said on tv?u'r such a poorboy but you have a braveheart...let me call u braveheart...hehehehe

15. D face of margarito become pizza margarita hahahahaha

16. Margarito is a PUTO and "puto" in the Phils. is a small cake, so pacman ate margarita

17. President Obama wants to know if they can build a huge Manny Pacquiao statue to scare off Mexicans from illegally crossing the US border :))

18. Isang congressman nambugbog ng mexicano hindi na kulong hahahaha peace we love you manny

eto ang matinding nag-away at nagsagutan:

palacioatir: wild beast o mabangis na hayup talaga itong si pacquiao(manny) sana makasama niya ang diyablo ang mabangis na hayup(ravening wolf) sa lawa ng apoy at lahat ng masasama na itatapon doon maliban na kung magsisi.kasi ang isasama ni GOD THE WORD JESUS CHRIST sa KAHARIAN NG AMA NIYA ay yung Mga parang Tupa o mga Righteous Man na Maaamo.kasi si CRISTO hindi kailanman nanakit ng Tao nung nandito pa SIYA sa lupa bagkus SIYA pa ang sinaktan at lpinatay na parang tupa sa patayan.Amen.

gudkisser: tumahimik ka baka isunod kita kay margarito, banal banalan kang hayup ka eh sa halip na ipagdasal mo si paquiao na magbago eh pinapupunta mo sa impiyerno, sabi mo hayup si paquiao eh mas hayup ka hindot kapa hahahaahahaha mamatay ka sa ingit bugok

palacioatir: sa iyo gudkisserr ang kapal ng pagkawalanghiya mo dapat ay purihin ka ng iba huwag ng iyong sariling bibig.huwag mong itaas sarili mo dahil ibababa ka rin hanggang burning coals of hell.lumalabas na ang pagiging mabangis na hayup mo dapat sa inyo itapon sa lawa ng apoy kasama ng mga mababangis na diyablo at demonyo sa lawa ng apoy magpasawalanghanggan maliban na kung magsisi o kung hindi magsisisi pati na si manny(tunog pera)ang pag ibig sa salapi ugat ng lahat na kasamaan.repent,and live.

Skah07: aba me nag mamalinis dito wo. .hahaha talagang me pag ka crab mentality tong taong to .. di mo ba alam yung pinag sasasabi mo eh kasama sa 7 deadly sins yan .. yung pagiging inggit? cguro natalo ka sa pusta kasi ke margarito ka pumusta? . ok lang yan tol ... wag kang iiyak ..

PAUNAWA: Ang salitang puto sa mga Mexicano ay masama, ang kahulugan nito ay lalaking puta (oooppps ang salitang yan ang masama sa Pinoy hehehe pero hindi puto)

PAHABOL: Pagpasensiyahan n’yo na ang mga comments ng mga Pinoy, mga pintasero talaga pag nananalo si Manny hehehe, at hindi maiiwasang nagkakapikunan sa mga sagot kaya nag-aaway pa, hay ang Pinoy nga naman...pasaway talaga

Anyways….congrats uli Manny and to my idol….Mommy Dionisia, I’m so proud of you pinalaki niyong mabuting anak si Manny….sabi nga ni Mommy D, let's celebrate, "blue the kick" !!! blue the kick!!! (blue the kick= blow the cake) hahaha



Friday, November 5, 2010

HULA SCOOP: Ingatan mo ang iyong kinakain



lechong mamoy ni Pingping

-------------------------------------------------------------

HULA : Ingatan mo ang iyong kinakain, mag-ingat sa mga taba at maalat, high blood malamang ang iyong katapat kung di ka papaawat.

SCOOP: Bakit nga ang maraming Pinoy laging sakit ay ang alta presyon?? Kasi naman ang ating pagkain ang number one na promotor!! Hmmmm bahala na si Ironman basta ako, mamamatay sa pagkaing masarap hehehe

-----------------------------------------------------------

Natapos na rin ang bakasyon ko sa Pilipinas, pero di ko maiiwasang kumain ng mataba at maalat, so talagang swak na swak sa akin ang hula nito (obvious ba?) hehehe, kaya eto na, ipapatakam ko sa inyo ang aking pinagsawaan.




pritong gagamba ng congo grille hahaha (pritong alimasag ba to o talangka?? basta masarap siya!)


ensaladang mangga na may bagoong


magellan landing ng seafood island



anak kong nagkamay sa loob ng seafood island restaurant hahaha

---------------------------------------------------------

At ang pinagkaabalahan kong prutas, 5 kilong lansones, inubos ko! hehehe siguro naman makakabawi na ako dito sa mga kinain kong maalat at mataba


tsalap!!! my peborit!


Wednesday, October 27, 2010

HULA SCOOP: Mararamdaman mo ang kirot sa iyong puso

Pansamantala naming tinitirhan (Air Force Inn)


HULA : Mararamdaman mo ang kirot sa iyong puso, kahit na pilit mong pasayahin ang ibang tao, hindi pa rin maikakaila ng iyong puso ang pighating nararamdaman nito.

SCOOP: Ano ibig sabihin ng hula?? E di malungkot ka, di ba? TH ka pa dyan as in "trying hard" na ngumiti pero di ka pa rin masaya. Naramdaman niyo na ba ito?? Hmm hula ko eh..."OO" lahat tayo ganyan, weather-weather lang yan as in "pana-panon" lang talaga natin yan hehehe, ang malungkot nito, panahon ko ngayon hehehe.

--------------------------------------------------------------

Bakit ako malungkot ngayon?

1. Nandito na kami sa Washington, US. Bagong lugar, bagong kultura, bagong kapaligiran.....walang mga kaibigan. Mabuti meron isang pamilya na kaibigan namin na nagpapasaya sa min.

2. Namimiss ko ang Japan, wala na akong nakikitang mga tao na nagba bow sa akin tuwing papasok at lalabas kami sa restaurant o mall. Wala na rin nagba bow sa tuwing pinapadaan ko ang mga taong nasa harapan ko tuwing ako'y nagmamaneho sa mga intersection. Miss ko na ang mga magagalang na Japanese!

3. Wala na naman akong work, mag-aapply na naman ako! Pahirapan na naman ito!

4. Nakatira pa rin kami sa temporary lodging hanggang makakita kami ng matitirhan. Nabubuhay kami ngayon sa maleta lang in other words, we are living in a suitcase, ika nga, naks ingles yan ha!! hehehe

5. Ang bagal ng internet dito, di ako makapaglaro ng restaurant city hehehe at di ako makadalaw sa mga peborit kong blogs kasi maghihintay ako ng mga 20 minuto para lang dalawin ko ang sarili kong blog. Buti na lang mabilis ng konti sa facebook hehehe.

6. Namimiss ko ang pamilya ko sa Pilipinas, matapos ang mahigit tatlong linggo namin bakasyon doon, mas nararamdaman ko ang pagkamiss sa kanila.

7. Birthday ng anak ko ngayon, Oct. 27 at 18 years old na siya!! Malungkot ako kasi hindi namin siya nabigyan ng debut party o kahit simpleng party lang kasi wala naman kaming maimbitahan dito sa bago naming tirahan, bagong lugar, bagong state at bagong bansa. Malungkot ako kasi dapat ito ang pinakamasayang birthday ng anak ko pero wala naman akong magawa para pasayahin siya....waaaaaaaaaaaaaaaa

8. he he he, naramdaman nyo ba na kahit ang "he he he" ko ay parang hindi masaya?? Miss ko na rin kasi ang blog ko na puno ng comment ko sa hehehe

9. Tumatanda na rin pala ako, magbibirthday na rin ako in two days, dumadami na naman ang uban ko, ang kati kaya nun! kakainis.


PAHABOL: Next post ko sana mabilis na mag upload ng mga pictures, para maishare ko na sa inyo ang bakasyon namin sa Pilipinas at Korea! Miss you all, pasayahin nyo naman ako, magcomment naman kayo hehehe





Wednesday, September 15, 2010

HULA SCOOP: Matutupad na rin ang inaasam-asam mo


HULA SCOOP: Matutupad na rin ang inaasam-asam mo sa buhay, kung gaano ka kasabik na malasap ito ay ganun din kasabik ang kaibigan mo at maging kaibigan ng kaibigan mo o kahit kakilala pa ng kaibigan mo.



-----------------------------------------

Parang super sikat yun "inaasam-asam" na yan, sino ba siya o ano ba yun?? hehehe

Basta ako natupad din ang "inaasam-asam" ko dahil......nandito ako ngayon sa "inaasam-asam" ko na makitang bansa (hulaan nyo kung nasaan ako hehehe, tignan nyo yun picture) at bukas pauwi na ako sa aking sinilayang bansa! hehehe

Yahooooo!!! Mga kamag-anak ko, ready na ba kayo??? Ay dapat pala baguhin ang tanong, "Sards ready ka na ba??"

Huhuhu, "gastos" na umaatikabo pero "super" saya ang feeling ko, dahil makikita kong muli ang mga mahal ko sa buhay! Saka na ang "kwenta" ang mahalaga talaga, IMPORTANTE!! hehehe

Malinaw man na malabo ang post ko ngayon, ang mahalaga, hindi malabo na malinaw, hahaha.

Sige na nga, hanggang sa muli and my adventure continues..........jejeje

Dalawin nyo na lang muna ang aking travelog sa kabilang pahina ng aking blog, so pano ba yan? ganun na lang muna, ganyan talaga, minsan kahit anu-ano pa yan, may ganun talaga hahaha (nababaliw ako sa kasiyahan!!)

PAHABOL: Makikita at mahahawakan ko na rin sa wakas ang trophy ko mula sa PEBA, excited na kong mapicture-an ang aking award, naks naman. At syempre kung sino man ang gustong sumali sa PEBA 2010, join na! click-click lang sa logo ko, ayos na ang buto-buto.






Sunday, August 29, 2010

HULA SCOOP: Iiwas ka sa mabigat na trabaho




HULA : Iiwas ka sa mabigat na trabaho, kasi ayaw mong mapagod.

SCOOP: Pag pagod ka na sa iyong trabaho at gawaing bahay man, kailangan mo rin mag unat-unat o magbanat-banat ng buto.... kaya hala, tama yan, magpahinga ka ng husto!! Magbakasyon na sa tabing dagat! o kahit sa tabing ilog pwede na rin! O kaya sa tabi-tabi dyan, ayos na rin!

--------------------------------------------------------

Pasensiya na at ako'y naglimayon sa tabi-tabi dyan, nagtampisaw sa aplaya, hayyy ang sarap muling matikman ang tubig alat ng dagat. Namiss ko ang dagat na may maligamgam na tubig, malinaw at bughaw na kulay ng dagat, ang pinong buhangin na kay sarap tapakan......di tulad sa Japan na nadadampian ko na lang lagi ay ang malamig at maputing niyebe, matapakan ko man ang pinong niyebe minsan madudulas pa ko hehehe!!

"Jejeje!!", ano ba yan, ang lalim ng mga salita ko na naman! hehehe, namiss ko na ang hulascoop blog ko, grabe!

Yipee!! Nakadalaw kasi muli kami sa Hawaii!!! Feels like home!! Grabe sarap ng feeling pag nasa tropical na panahon! Dalawang araw na lang at lilisanin na naman namin ito huhuhu. Pero ilang araw na lang at masisilayan ko na naman ang bansang aking sinilangan, at maaamoy ko na rin ang hanging imburnal hahaha....pero kahit ano pa amoy, iba pa rin ang dating sa kin nito.....Pinoy yata to, ito ang totoo! hahaha...Pilipinas....game ka na ba???

-------------------------------------------------------

UKOL SA LARAWAN: Ang larawan na yan ay kuha ko sa pinaka peborit kong beach sa Hawaii, ang Bellows Beach kung saan ay makikita nyo rin sa aking homepage logo.

O sige, liligo muna ko ha!! See you all!!




Monday, August 16, 2010

HULA SCOOP: Malungkot ka na masaya ngayon


HULA: Malungkot ka na masaya ngayon, pero wag kang sisimangot kasi magtutuloy-tuloy ang malas mo. Pag ngumiti ka e di masaya ka na nga! hehehe

SCOOP: Kailan ka ba nakaranas na malungkot na masaya? Ang labo di ba? Ganun talaga, minsan malabong malinaw ang mga bagay hehehe.

---------------------------------------------------------------
ANG BUHAY NI SARDS- MALUNGKOT NA MASAYA

MALUNGKOT AKO, KASI.......

- wala na naman akong trabaho! waaaaaaaaaaaaaaa
- iiwan na namin ang Japan
- gastos na naman sa paglipat
- mamimiss ko ang mga magagalang na Japanese sa lugar namin
- mamimiss ko ang murang sushi at ang miso ramen
- mamimiss ko ang magarang inodoro na wini-wisik-wisik ang iyong lam mo na, libre hugas hehehe..ang "bidet"
- mamimiss ko ang maraming snow
- wala na ang cute kong pajerong luma na nasa kanan ang manibela, wala na rin ang van namin na kasa-kasama namin sa malalayong lugar tulad ng Tokyo
- binebenta na namin ang bahay namin sa Hawaii (bilhin nyo na!)
- mamimiss ko ang mga kaibigan ko dito at sa church namin
- mamimiss ko ang kitkat na iba-ibang flavor (may toyo, wasabi, strawberry banana, soy beans, yogurt, apple, sakura, atbp)
- pigil na ang pagshopping ko kasi wala na ako work hahaha ay huhuhu pala
- mamimiss ko ang mga festival dito

MASAYA AKO, KASI

- bago kami lumipat sa aming bagong destinasyon, dadalaw kami sa Hawaii at makikita ko uli mga kaibigan ko doon
- bibisita kami sa Pilipinas
- dadaan kami ng Korea para makakita ng mga Koreayuki ay Koreano pala hahaha
- di na ako gigising ng maaga para magwork
- aalis na kami sa Japan so wala ng lindol na mararanasan
- bago na naman ang sasakyan
- bagong lugar na mas konti ang snow
- at higit sa lahay, buong araw na akonag makakapag facebook at blog! hahaha

MASAYA NA MALUNGKOT AKO, KASI

- makikita ko ang Tatay at mga kapatid ko at mga kamag-anak at kaibigan sa Pilipinas pero...mabubutas naman ang bulsa ko hehehe...gastos na naman!

- makikita ko uli ang Hawaii pero....gastos na naman!

- bago nga ang sasakyan pero panibagong bayarin na naman! huhuhu

- ibebenta na ang bahay namin, mamimiss ko ang bahay namin pero masaya ako dahil wala na akong babayarang super dooper mahal na mortgage

- wala akong work kaya facebook all day! pero wala naman kita....waaaaaaaaaaaaaa


ayoko na ang hirap naman ng nasa military! malabo na malinaw, matino na magulo at higit sa lahat, palipat-lipat na matatag ang buhay hahaha, kakaloka talaga!

Miss you all!!





Thursday, July 15, 2010

HULA SCOOP: Hindi mo mapigilang sumimangot


HULA SCOOP: Hindi mo mapigilang sumimangot ngayon parang wala ka sa mood, hindi maganda yan kaibigan pag nalulungkot ka na.....alam mo na dapat ang gagawin mo......ang paligayahin ang sarili.....ang ibig kong sabihin maghanap ng ikalilibang mo sa iyong sarili hehehe.

------------------------------------------------

Lagi kong naalala ang namayapa kong kaibigan, pag ganitong nalulungkot ako. Dahil unforgettable kasi ang kwento niya sa kin. Ang asawa niya noon ay naghahanap ng trabaho. Pinag-aapply niya sa isang opisina, sagot ng asawa niya, boring daw dun. So pinag a-apply niya sa department store, ayaw rin dun dahil daw hindi daw masaya so sinabi na lang ng kaibigan ko na mag apply na lang siya sa Disneyland, pinakamasaya raw na lugar sa balat ng lupa hehehe. Yun pala ang slogan ng Disneyland- "The happiest place on earth!" hahaha

Speaking of Disneyland....diyan kami nagpunta sa Tokyo Disneyland!!!!! So masayang-masaya talaga ako, para nga akong bata eh!

Eto share ko na lang ang mga pictures ko sa inyo, tinatamad kasi akong magkwento e. Umuulan ng magpunta kami pero awa ng Diyos nagpakita rin si Haring Araw mga bandang 4pm na, at least umaraw din.


Sumakay kami ng train mula sa JR station hanggang sa Disneyland 200 yen ang bayad, one way lang, (ano ba yan may bayad pa pala wala pa nga sa loob ng Disneyland) ang cute ng bintana mickey mouse shape



Kastilyo ni Cinderella




Cute ng mga Japanese girls, sumakay sila sa splash mountain ride, di na kami sumakay kasi ang haba ng pila mga 2 hours ang waiting time



Bahay ni Mickey Mouse sa Toon Town, ang haba rin ng pila magpa-picture lang kay Mickey, isang oras ba naman hmmmp wala kaming tyaga pumila e


mga bahay sa Toon Town


Japanese girls naka minnie mouse head bands at naka costume pa sila hehehe, cute nila



Sa Cricket Country yata ito, resto lang ang nasa loob niyan, dyan sana kami kakain kaso natakot ako sa ambiance hehehe masyado kasing madilim di ako makakapagconcentrate kumain nun



It's a Small World!! Pumunta kami sa loob at mapapakinggan mo yun kanta na It's a small world habang makikita mo iba't ibang manika na naka costume mula sa iba't ibang bansa


eto sample ng nasa loob ng It's a small world




Ginabi na kami para hintayin yun electrical parade, ganda ng mga lights



Ayan nag umpisa na ang electrical parade, syempre ang bida ang una, si Mickey at Minnie Mouse



Si Beauty kasama si Beast (parang nawala ulo niya hehehe pero nakaharap lang siya sa kabilang side kaya ganun, mabigat siguro ulo niya kaya nakayuko lol)



Si Snow White, kasama yun mga dwende niya pero di ko nakunan ng picture, ang dami kasi nila di kasya sa picture ko lol



Ayun, wala rin, nagkwento rin pala ako hehehe. Dami pa sanang pictures kaso tinatamad akong mag upload ngayon e hehehe at least di ako nakasimangot di ba, yun ang mahalaga! hehehe

Malapit na kaming umalis ng Japan kaya panay-panay na ang gala namin....kaya abangan nyo na lang ang iba ko pang mga post, hula na travelog pa hehehe

Sunday, July 4, 2010

HULA SCOOP: Magiging Abala Ka Sa Araw Na Ito

shinkansen o bullet train


HULA SCOOP: Magiging abala ka sa araw na ito at sa mga susunod pang mga araw. Huwag kalilimutang ngumiti kapag ikaw ay masaya at huwag kalimutang magbasa ng mga balita o magasin na sa iyo'y magpapangiti. Bullet train..... ay bullet day pala (balang araw) magiging masaya ka dahil hindi ka na rin abala.

-----------------------------------------------------------

Pasensiya na sa matagal kong hindi pagdalaw sa sarili kong blog at sa mga tagasubaybay ko sa tabi-tabi dyan (meron ba? hehehe). Kami po ay nagbakasyon lang sa lalawigan ng Tokyo, mga 10-11 oras kung amin itong lalakbayin na gamit ang aming sasakyan pero dahil sa nakakapagod magmaneho ay minabuti na lang naming sumakay ng bullet train para may maipagmamalaki naman ako sa mga kabigan ko pag kami ay lumisan na sa bansang Japan at masasabi ko na....."ang bilis pala ng bullet train" hehehe, kaya ayun...zoom!!! tatlong oras lang nasa Tokyo na kami.

Habang nasa bakasyon ako ay di pa rin pwedeng di ko gagamitin ang internet, dahil sa wala akong maisip na hulascoop ngayon ay ibabahagi ko na lang ang napulot ko sa facebook, eto:

Top 10 Lies

10. I'm on my way (maliligo pa lang)- hmmmm parang asawa ko to a hehehe
9. Miss na kita (may masabi lang)- hmmm asawa ko pa rin
8. I don't smoke (pag kasama ka lang)- asawa ko pa rin (???) grrrr
7. I like you (naniniwala ka na naman)- hmmm mga nanligaw sa kin na sinabihan ko nito
6. Sleep na ko (tinatamad ka ng katext)- hayyy sayang di ko naranasan ang ligawan thru texting
5. Busy pa ko (may katext na iba)- ahhh parang may nareceive na ko na ganito
4. Low bat na ko (nasa gimikan)- parang nasabi ko na to pero ibang klaseng gimik lang nga
3. Nakasilent phone ko (ayaw sagutin tawag mo)- teka parang alibi ko to minsan ah hahaha
2. Walang load (may kasamang iba)- ahh di applicable sa kin to di kami naglo load dito e

at yung no 1

1. "i love u "(para tumahimik ka na)- ang sweet pa rin marinig kahit sinungaling nagsabi nito hehehe


Kayo nagamit nyo na rin ba mga lines na yan? aminin!!!



Wednesday, June 16, 2010

HULA SCOOP: Isa sa mahal mo sa buhay ay magbibigay sa'yo ng karangalan


HULA: Isa sa mahal mo sa buhay ay magbibigay sa'yo ng karangalan. Kaya abangan mo na ito, malapit na, di maglalaon, ay di magluluwat, at higit sa lahat hindi na magtatagal......manapay.......nasa mga pintuan mo na hehehe.

SCOOP: Anuman ang karangalang ibibigay sa'yo ng mahal mo, dapat mo talaga itong ipagmalaki. At huwag ka ng magreklamo, just grab ka na lang ng grab.

---------------------------------------------------------

Bago ang lahat......hihingi lang ako ng pasensiya sa anak ko pero di ko sasabihin sa kanya, dito na lang hehehe (baka magalit LOL):

1. Pasensiya na anak, kung hindi kami kuntento sa grade mo pag "B" at nagtatanong ng, "Bakit B?" Anong nangyari? B lang?"

2. Pasensiya na anak, kung lagi namin sinasabi sayo na gumawa ka lagi ng homework mo at huwag matutulog nang hindi tapos.

3. Pasensiya na anak, kung napapaiyak ka namin dahil sa mataas lagi ang expectation namin sa'yo dahil alam namin kaya mo at alam namin na matalino ka.

4. Pasensiya na anak, kung kailangan mo pa rin gumawa ng gawaing bahay kahit tambak na ang homework mo.

5. Pasensiya na anak, kung minsan gustong awayin ng Papa mo ang mga teacher mo kapag may B ka sa klase.

6. Pasensiya na anak, kung minsan nagiging makulit kami, na tinutulak ka namin para maging aktibo sa mga extra curricular ng school niyo. Lam mo naman si Mama mo showbiz ang dating hehehe

7. Pasensiya na anak, yan lang ang kaya namin ipapamana sa'yo ang edukasyon at ang maging matalino sa klase.....kasi ganyan din ang sinabi sa amin ng mga magulang namin.......kaya kami nandito ngayon sa kinalalagyan namin. Alam kong mali pero yan ang tama , hehehe ang drama ko!!! Sige na nga tama na yan.....baka maging mali pa yan hehehe.


Di na ko magpapaliguy-ligoy pa, I'm proud of my daughter!!! Yahoo, Congrats Lei! Love you
Eto na po ang Salutatorian speech niya.....salamat naging mabuti kang anak!!






Di ka pa tapos anak, simula pa yan ng panibagong kabanata ng iyong buhay. May college pa, pahirapan pa lalo pero kaya mo yan! Kung iiyakan mo ang college days, ok lang yan kaya nga may luha para malinisan ang mga mata hehehe. Madugo magpa-aral baka kami ang umiyak sa'yo hehehe pero ok lang yan. Kaya natin yan! Congrats! and we love you!! mwahhh

Saturday, June 12, 2010

HULA SCOOP: Sobrang Saya Mo Na Naman Ngayon


HULA: Sobrang saya mo na naman ngayon, parang kang nasa ulap.

SCOOP: Paano mo ba masasabing sobrang saya mo??? Kanya-kanyang sagot yan, kaya wag na lang tayong magkopyahan hehehe ay mag inggitan pala.

-------------------------------------------------------------
STAGES ng SOBRANG SAYA
(ayon lang kay Sards)

bata- masaya na sa lollipop

teen-ager- sobrang masaya kung marami na siyang pambili ng lollipop na ibibigay niya sa barkada niya, di lang lollipop kahit chocnut, cloud 9, flat tops, atbp pwedeng pwede na

may syota na- sobrang saya dahil hindi lang lollipop ang nabibili niya, nadiskubre din niya na ang cloud 9 ay hindi lang chocolate pala

may-asawa na- sobrang saya niya kung.....(itutuloy ko pa ba??) ibang klase na ang lollipop niya at ang cloud 9 ibang meaning na sa kanya

sensiya na masayang masaya lang talaga ako e, eto na lang......


Masayang Masaya Ako Kasi.......


1. Dumating na ang asawa ko!!! yipeeee! ( puyatan na naman!! .....unahan sa internet no.... kayo talaga! hehehe)

2. Gumradweyt na ang anak ko sa high school!! (na dapat graduate na siya kung sa Pilipinas siya nag-aral, at nasa 2nd year college na sana siya ngayon)

3. Dumating ang asawa ko dalawang araw bago ang graduation ng anak ko (matapos makipag-away sa mga nagpapaalis sa kanila para ipilit isingit ang sarili sa mauunang batch na aalis hehehe, para lang makaabot sa graduation)

4. Tagumpay ang speech ng anak ko as Salutatorian.

5. Sinunod ng anak ko ang payo ko na banggitin niya ang "facebook" sa speech niya hahaha !!! Yes, tagumpay as in success ang speech maraming natawa!!!!


Next time ko na ipopost ang speech ng anak ko magpapaalam muna ko hehehe, mahirap na at baka mapagalitan pa ako hehehe.

Wednesday, June 2, 2010

HULA SCOOP: Mamomoroblema ka sa problema ng iba

Mabuti pa ang mga isda hindi namomoroblema sa kakainin nila samantalang ako, pinoproblema ko kung paano ko sila kakainin hahaha



HULA: Mamomoroblema ka sa problema ng iba. Kaya bilisan mong maghanap ng solusyon dahil baka magkaproblema ka naman.

SCOOP: Bakit nga ba tayo namomoroblema sa problema ng iba? Eh di naman natin problema yun? Ganun talaga ang Pinoy! Magaling magpasan ng problema ng iba. Napansin nyo ba yun?
---------------------------------------------------------------------------

Paano mamroblema ng problema ng iba ang mga nasa abroad o OFWs?

1. Walang trabaho ang kapatid
Solusyon- magpadala ka ng pera

2. Walang pangtuition ang mga anak ng kapatid
Solusyon- magpadala ka ng pera

3. Walang pampuhunan sa negosyo ang kapatid
Solusyon- magpadala ka ng pera

4. Walang pambayad ng kuryente at telepono
Solusyon- magpadala ka ng pera

5. Walang pambayad sa upa ng bahay
Solusyon- magpadala ka ng pera

Konklusyon- magpadala ka na lang ng pera buwan-buwan para di mo na marinig ang problema ng iba hehehe

Speaking of problema ng iba, ang anak ko namomroblema sa speech niya, Salutatorian siya pero may speech pa rin ang Salutatorian dito (swerte naman niya!). Kaso until now wala pa rin siyang maumpisahan. So nagtanong siya sa akin kung anong idea ang magandang topic. Ako pa ang tinanong niya eh hulaan nyo kung anong sinabi ko?? E ano pa sabi ko since uso ang facebook, twitter, tumbler or whatsoever eh di ipasok niya yun sa speech niya hehehe, natawa na lang ang anak ko sa kin (hmmmp kung di ko pa alam e baka gamitin din niya yun hehehe, we'll see).

Isa pang pinoproblema ko, di yata makakarating ang asawa ko sa graduation ng anak ko sa June 11 mula sa deployment niya sa Middle East. Yan ang pinoproblema ko kasi, malungkot ang anak ko, mamimiss ng Tatay niya ang pinakamahalagang bahagi sa high school life ng anak ko, yun graduation niya bukod pa sa makukuha niyang award, waaaaaaaaaaaaaa.

Di bale, ang mahalaga....importante talaga!! hahaha, nababaliw na ko! Ang pinapanalangin ko lang ngayon, makarating sa araw ng graduation ang asawa ko, kundi.......ganun talaga, that's life LOL ayoko ng mamoroblema pa. Kung di ukol, bukulin mo na lang! hehehe

Tuesday, May 25, 2010

HULA SCOOP: May matatanggap kang balita na ikasasaya mo

Statue of Liberty ng Japan- "pareho pero iba" ng nasa New York
(mga 20 minutes drive mula sa amin)



HULA: May matatanggap kang balita na ikakasaya mo pero pag nalaman mo na masaya ka, bigla ka namang malulungkot.

SCOOP: May mga balita tayong natatanggap talaga na masasabi nating bad at good news. ...tipong sabay ba. Walang pinag-iba yan sa kara o krus eh, lam n'yo yun? alamin nyo na lang bakit kara o krus di ko rin alam eh, bigla na lang pumasok sa utak ko yan hehehe. Kayo anong una niyon binabalita, good or bad news? Ako......

------------------------------------------------

BAD NEWS

1. Babalik na kami sa US- di pa ko ready na bumalik kasi, nag-eenjoy pa ako dito sa Japan.


GOOD NEWS

1. Aalis na kami sa Japan- di na rin ako makakaranas ng lindol kada linggo


Tama na yan! Masyado ng mahaba ang post ko e hehehe......dapat pala "bad new" at "good new" lang yan kasi iisa lang naman as in "singular" lang ang balita ko hehehe. E kapag ba maraming balita, ang tawag ba natin, balitas? hindi naman di ba? Napansin nyo ba, pareho sila pero iba? Ang labo talaga no? sinong malabo yun hula ko o ako? pareho! hehehe


Hulaan nyo saang States ako mapapadpad? "Maulan doon, sa lugar na yun doon hindi makatulog sina Tom Hanks at Meg Ryan" LOL

Sunday, May 16, 2010

HULA SCOOP: Marami Kang Maiisip Na Palaisipan


HULA: Marami kang maiisip na palaisipan pero wala ka namang maisip na sagot. Pag-isipan mong mabuti kung anu-ano ang dapat isipin para hindi ka nagdadawalang isip diyan.

SCOOP: Parang malabo ang hula ngayon, naisip nyo ba ang naiisip ko? Ako, hindi hehehe. Ang labo talaga pero maliwanag naman, kaya ok na yan hehehe.

----------------------------------------------------

Dahil sa malabong pag-iisip ko ay naisip ko na ipakilala ko sa inyo ang bahagi ng aking pagkatao, kaya narito po.


SI SARDZ, ISANG PANGKARANIWANG TAO LANG:

1. Marunong akong mag gitara pero hindi ako magaling.

2. Marunong akong mag piano pero hindi ako magaling.

3. Marunong akong magbandurya pero hindi ako magaling.

4. Marunong akong magsulat pero mas magaling ako sa pindutan ng keyboard.

5. Marunong akong kumanta pero mas magaling akong kumanta na walang sound.

6. Marunong akong tumula pero mas magaling akong gumawa ng tula.

7. Marunong akong mag gantsilyo pero hindi ako magaling manahi.

8. Marunong akong magbake ng brownies pero mas magaling ako sa luto ng Diyos...... pagkain ng Diyos pala ay teka yan ba ang tagalog ng "Food for the gods?" hehehe tinagalog ko lang naman yan eh, parang mali ang dating.

9. Marunong akong matulog sa papag na matigas pero magaling ako sa kama.....

Parang bitin?? oo nga bitin, yan ang di ako marunong, di ako marunong maglambitin sa poste hehehe.....

sige na tama na to, marunong ako sa bolahan pero mas magaling akong mambola hehehe.

Tuesday, May 4, 2010

HULA SCOOP: Maghahanap ka pero di mo makikita

HULA: Maghahanap ka pero di mo makikita. May makikita ka pero di mo pa rin mahanap yun hinahanap mo.

SCOOP: Ganun talaga, may mga bagay na wala pero parang meron.

----------------------------------------

Baka bukas meron na, bukas na ang hula ko wala akong tym pa eh, pasensiya na po tao lang.

Monday, April 26, 2010

HULA SCOOP: Magulo ang buhay mo ngayon

Kitkat sa Japan, pare-parehong kitkat pero iba-iba


HULA: Magulo ang buhay mo ngayon. Pero kahit paano, malalagpasan mo ang lahat ng yan, basta madaanan mo lang, yun ang mahalaga. Pag di mo madadaanan di mo talaga malalagpasan.

SCOOP: Kapag ganitong magulo ang buhay kailangan may maisip ka na paraan para hindi lalong gumulo. Pasensiya na, tumatagal na ang mga araw na wala akong blog, mahirap talaga pag gulo ang isip e. Kaya eto, nakapag-isip-sip ako ng mga kwots uli . Wala lang....

---------------------------------------


MGA KWOTS NI SARDZ

May mga bagay na hindi mo maintindihan
At may mga naiintindihan ka na hindi bagay.
----------------------------

May mga bagay na pare-pareho
Pero iba-iba (katulad ni kitkat di ba?)

----------------------------


Minsan dumarating sa tao na nagkakasakit
Nako "coma," o kaya cancer sa "colon"
Pero ang mga babae kahit kelan lagi na lang masungit
At laging dahilan, may "period!" Hello??? Nasan ang "point" dun??

---------------------------------------------

Mabuti pa ang gitara pag kinakalabit tumutunog
bakit pag si misis ang kinakalabit, iba ang tunog?

-----------------------------------------------

Mabuti pa ang keyboard pag pinindot sumusunod
Samantalang pag si mister ang pinindot may kasunod

------------------------------------------------


May mga taong kahit walang kwenta
Humahanga sa kanyang gawa
Kaya kahit tapos na siya sa pagkwento, sige tuloy pa
Sa pagbasa ..... ng blog niya...

hoy hindi na to kwot no, wala na kong maisip!


Sige tutulog na ko may pasok pa ko bukas, ang hirap mag-isip!!

Thursday, April 15, 2010

HULA SCOOP: Maghihintay Ka Ng Matagal Sa Walang Kwentang Bagay

singkit na mata

HULA: Maghihintay ka ng matagal sa walang kwentang bagay. Pero sige pa rin ang hintay kahit wala naman, umaasa na kahit konti ay may masisilip kang pag-asa....kahit magsingkit na ang mata.

SCOOP: Wala nga!!! Pero parang meron kahit konti.......may konti akong kwots para sa inyo.

----------------------------------------------------------------------

Wala akong maisip! Kulta na utak ko!!! Sensiya na tao lang....pero ayaw kong mapahiya kaya, gumawa ako ng mga kwots ko (ginaya ko anak ko e hehehe).

kwots ni sards: (seryoso yan ha!)

Gravity.....

"Mabuti pa ang yoyo pag binato mo paitaas, bumabalik ito ng kusa,
Di tulad ng bola pag binato mo paitaas, sigurado sa ulo mo babagsak"

Life....

"Ang buhay ay parang buhok
May diretso, maikli, mahaba, magulo
at higit sa lahat buhol-buhol na parang......ayun nga buhok nga"

Friendship....

"Huwag magreklamo sa kaibigan na maingay na parang lata
Pasalamat ka at hindi siya plastic na parang tupperware, di ba?"

Envy.....

"Mabuti pa ang baso kusang nadadampian ng labi
Samantalang ako....kailangan pang uminom
Para madampian ko naman ang baso..."

I wish....

"Minsan gusto kong maging bananacue
Tinutuhog at super sweet!"

Ayan wala na kong maisip! Miss ko na kasi ang bananacue eh! Sige thank you na lang sa nagtyagang basahin ito.

Tuesday, April 6, 2010

HULA SCOOP: Minsan Kailangan Mong Mag-isip ng Malalim....

Paano kaya nagawa itong design na ito mula sa buhangin at bato? Ang galing! (Kuha mula sa Japan Day)


▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒▒

HULA: Minsan kailangan mong mag-isip ng malalim para mahasa naman ang pumupurol mong utak.

SCOOP: Ang mga Pinoy mahilig sa mga palaisipan kaya naisipan kong mag-isip ng malalim kaya eto di ko rin maisip ang mga sagot, matutulungan nyo ba kong mag-isip??? Ang problema baka wala kayong isip hehehe. Kaya mag-isip-isip ka na.


MGA NAKALILITONG TANONG NI SARDONYX:

1. Ang lahat ng pets ni Simang ay aso maliban sa isa. Ang lahat ng pets niya ay pusa maliban sa isa. Ilan ang aso at pusa ni Simang? Waaaaa, help!

2. Sabi ni Mokong kay Inday na may sasabihin siyang “lihim” sa araw bago mag-ikalimang araw mula sa araw pagkatapos ng bukas. Kung ngayon ay Tuesday, Oct. 23. Kailan sasabihin ni Mokong kay Inday ang lihim niya? (Di kaya buntis si Inday? hehehe pero ang tanong....kailan??)

3. Pinakilala ni Inggo si Miguel sa mga bisita niya, “ Ako ay walang kapatid na lalaki at babae, ang tatay ng lalaking ito ay tatay ng anak ko.” Anong relasyon ni Inggo kay Miguel? (Ma at Pa!)

eto pa:


Ang bawat titik sa sunod-sunod na mga titik ay ang umpisang titik ng isang salita. Ang bawat salita ay may relasyon sa isa’t isa. Pakibigay ang susunod na tatlong titik ( 3 letters please).

4. O, T, T, F, F, . . .
5. D, N, O, S, A, . . .


PAHULI: Nose bleed na ko!!!! Ayoko na! Kayo naman!!!

Tuesday, March 30, 2010

HULA SCOOP: Mapaparaning ka

Ang bata at ang isip bata

HULA: Mapapraning ka sa araw na ito, di mo alam kung may namimiss ka o nahihirapan ka sa pagbaluktot ng utak mo sa mga katanungan mo sa buhay. Kung anuman yun, pilitin mong idiretso, plantsahin mo kaya?

SCOOP: Malamang mahihirapan ka lang pigain ang utak mo sa mga kahulugan ko kaya mapapraning ka talaga hehehe, sige basahin nyo na!


MGA SALAWIKAIN AT ANG "DINIDIBDIBANG" KAHULUGAN KO:

1. Ang tunay na bakal ay

Sa apoy masusubukan.


kahulugan ko: huwag susunugin ang bakal


2. Marunong man at pantas,

Ay daig ng mamimintas.


kahulugan ko: huwag ng mag-aral kung dadaigin ka pa ng mga chismoso't chismosa lang hehehe

3. Kapag mura ang dayap
Pigain ma'y walang katas.

kahulugan ko: Huwag bumili ng murang dayap, magkalamansi ka na lang mas masarap pa


4. Ano man ang kanin,
kung sa apoy luto,

Kung di palamigin
ay nakakapaso.


kahulugan: Mag microwave na lang sa pagluto para di mapaso

5. Anak na pinaluluha
Kayamanan sa pagtanda

kahulugan ko: paluin ng paluin ang anak para umiyak dahil sa pag tanda datung ang iyong mapapala


6. Marunong bumati ng sa ibang uling,
Datapwa't sa mukha'y naglawit ang agiw.


kahulugan ko: Ano yan?? gagamba?? spiderman?? gagambino??


7. Pag ang tamis ang nauna

Ang kasunod ay ang pakla


kahulugan: e di baliktarin natin, kumain muna ng mapakla para matamis ang huling sarap


8. May mahinhing talipandas,

May dalahirang banayad.


kahulugan ko: mahinhinduting birhen at pukpukin ni taning? hehehe


9. Kahoy na babad sa tubig

Sa apoy, huwag ilapit,

Pag nadagandang ng init

Sapilitang magdidikit


Kahulugan ko: Huwag magluluto sa kahoy, gumamit na lang ng stove.


10. Ibong mahawaka'y pigilang mahigpit

Pag nakawala pa'y baka di magbalik


kahulugan ko: Huwag payagan si mister o ang bf na mag bar o club baka lam nyo na di na bumalik.....


11. Ang tunay na pag-ibig

Hanggang dulo'y matamis.


kahulugan ko: dulo ng ano??? ay ang bastos! kayo na lang mag explain niyan hehehe

PAHABOL:


Ukol sa larawan: nikonian ko pagktapos gumawa ng snowman.......grabe nag iisnow pa dito!!!

Saturday, March 20, 2010

HULA SCOOP: Huwag Kang Masyadong Tahimik

Maraming casino dito sa Japan, isa na dito ay ang Jam Friend

HULA: Huwag kang masyadong tahimik, minsan magsalita ka naman ng kusa o magsimula ka ng kwento hindi yun pinapanis mo laway mo.

SCOOP: Naisip nyo ba kung kailan nangyari sa inyo na hindi kayo nagsalita man lang sa kausap ninyo?? Huwag naman ganun, dapat matuto tayo na makisalamuha sa ibang tao.

-----------------------------------------------------------


Kapag nag lo-long driving kami o road trip, di pwedeng mapanis ang laway ko at ng asawa ko , baka makatulog ang asawa ko na panis pa ang laway habang nagmamaneho aba mahirap na, mabunggo pa kami sayang naman yun sasakyan namin hehehe.

So para magkaroon ng pag-uusapan kahit anong makita namin ay binibigyan namin ng sarili naming interpretasyon at gagawan namin ng kwento, yun ang sikreto namin, eto mga halimbawa :

1. Yun sasakyan humaharurot, nag overtake sa amin- "yun drayber "nadudumi" kaya nagmamadali, hayaan na nating mauna"

2. Nakakita kami ng napakalaking bukid pero walang tanim puro talahib ang nandun- "malamang yun may-ari ng bukid na yan natalo sa sugal kaya walang pampuhunan para makapagtanim"

3. Yun sinusundan namin sasakyan ang bagal:
Papa ko: "malamang babae na Asian ang nagmamaneho niyan"
Ako: "Uy di naman lahat no, mabilis naman akong magdrive, malamang matanda na ang driver"

- Lalapitan namin ng maige at kapag nalaman namin matanda ito naman ang sasabihin namin:

"Tatang pakibilis-bilisan nyo naman po, marami nang nakabuntot sa inyo!"

4. Mag-syota magkaholding hands-
Papa ko: "Lolokohin ka rin niyan!"

5. Yun driver ng isang sasakyan palipat-lipat ng lane at panay ang overtake-
Ako: Grabe naman yun drayber na yun, pati ba naman kalsada tinatahi niya!
Papa ko: Bakit?
Ako: Ikaw kaya ang panay ang zigzag sa pagmamaneho e para ka ng nagtahi yun nga lang kalsada tinatahi mo.
Papa: Baka naman inaantok kaya panay ang change lane para magising siya.
Ako: Siguro o baka naman lashing?
Papa: O baka naman may humahabol sa kanya??
Ako: Siguro nga o baka naman nagtatae?

6. Pag medyo pagod na dumaldal, sinasabayan na lang ang kanta sa ipod (hanep hindi na CD hehehe)....share ko na lang sa inyo yun isang road trip namin last January.



video


7. Kapag wala na talagang maikwento at inaantok na ko:

Ako: Ok lang ka lang ba "hon"?? Huwag kang matutulog ha, nagda drive ka, sabihin mo lang kung inaantok ka at .....magstop tayo (kala niya magvo volunteer akong magdrive nye hehehe) o kaya itutulog ko na lang ito para sa'yo hehehe.

8. Minsan kinakausap ang driver na sinusundang sasakyan.
Kagaya nitong video.



video