
Ang mababasa ninyong hula scoop na ito ay ang official entry ko sa 2009 Pinoy Expats/OFW Blog Awards or PEBA
Kung kayo ay nasiyahan sa blog entry ko na ito, paki boto na lang po ako, paki click na lang ang logo at iboto ninyo ang #6 Hulascoop sa site na yan....salamat kaibigan.
-----------------------------------------------------------------------------------------

HULA: Pag-isipang mabuti ang mga desisyon mo sa buhay upang hindi magsisi balang araw. Sumali ka na lang kaya sa PEBA baka manalo ka pa at wala ka pang pagsisisihan, tara sali na!
SCOOP: Sa bawat desisyon mo sa buhay may epekto ito sa kasalukuyan at panghinaharap, kung anuman yun dapat ay maging handa tayo. Kaya eto, sasali ako sa PEBA. manalo man o matalo, ayos lang....handa na ako.
------------------------------------------------------------------------------------------
May 31, 2008, Ang bilis ng panahon isang taon na pala ang nakalipas, ito ang huling araw ko sa aking dating trabaho sa Honolulu, Hawaii, huling araw ng pag tanggap ng pay check at huling pakikisalamuha sa mga dati kong mga kaopisina. Isang taon na rin pala nang napagdesisyunan ko na magresign at piliin ko ang pamilya ko higit pa sa aking magandang trabaho. Isang taon nang walang sariling sinasahod at nag-aabang na lang sa sahod ng aking mabait na asawa at isang taon na rin na walang sawang nililibang na lang ang sarili sa mundo ng internet. Hay....Happy 1st Anniversary Sardonyx!!! hehehe Hmmm nagcecelebrate din ba ng ganun? Yun isang taong wala pa rin trabaho??? Ano kaya tawag dun, One year Jobless Anniversary?? Meron bang ganun?.....meron na....ako yun!
Marami ang nagsasabi sa akin bakit ako nagresign sa trabaho ko gayong maganda naman ang sahod at benepisyo ko dito, marami nga raw mga tao nali- lay off sa trabaho samantalang ako, eto ako pa itong nagresign pinagpalit ang malaking sweldo para lang makasama ang asawa't mga anak sa Japan, na kung tutuusin pwede naman daw akong maghintay sa Hawaii kasama ang mga anak ko habang nagta trabaho ang asawa ko dito sa Japan. Bakit pinili ko pa na tumira sa isang bansa na walang katiyakan kung may mahahanap ako na trabaho na kapalit ang magandang buhay sa Hawaii? Sa Hawaii, may sariling bahay, may magarang mga sasakyan, nabibili ang luho ko.....alahas, bag, damit, electronics, alahas, bag, alahas, bag, alahas, bag.....teka paulit-ulit yata? oo paulit-ulit ko mang bilhin ang alahas at bag kaya ko.....ang yabang no hehehe, hayaan n'yo na pagbigyan n'yo na ako, noon yun! Ngayon......tinititigan ko na lang sila, libre naman yun eh hehehe.
Pati nga mga kapatid ko nanghihinayang sa desisyon ko at sinasabi na kung kaya nga ng mga ibang Pilipino na nangibang bansa iniwan ang pamilya sa Pilipinas alang-alang sa magandang hanap-buhay malayo sa pamilya, bakit hindi ko raw kakayanin? Hmmm di ko nga alam kung concern sila o concern sila na baka mawalan ako ng padalang pera sa kanila? hehehe pareho siguro, kasi ramdam ko ang hirap ng buhay ng mga kapatid ko, hindi ko sila masisisi na masambit nila ito sa akin.
Sa kabila ng mga narinig ko sa mga kapatid ko at maging sa mga kaibigan ko, eto ako hindi natinag pinagpalit ko pa rin ang trabaho ko sa pamilya ko. Masama man ang loob ko at hindi ako regular na makapagpadala ng pera sa mga kamag-anak ko sa Pilipinas, dapat gawin ko ang nasa puso ko, ang makapiling ko ang asawa ko sa hirap at ginhawa. Dahil dito ako masaya, sa pamilya na binuo at hinabi naming dalawang mag-asawa upang maging matagumpay at lumigaya. Para sa akin, ang trabaho ay pera lang madaling mawala, madaling kitain pero ang pagmamahal sa asawa at mga anak para sa akin.... yun ang mahalaga. Marami nang naging kaso sa buhay militar na ang iba pinili ang mawalay sa asawa dahil sa trabaho, ang kinahitnan naman....hiwalay.
Mahirap ang buhay ng isang asawa na nasa military, palipat-lipat ng bahay, minsan iiwan ka ng asawa mo dahil madedeploy siya sa ibang lugar.... ng ilang buwan minsan naranasan ko ang isang taon pa. Ang mahirap wala ka man lang kamag-anak sa lugar na pag-iiwanan sa'yo ng asawa mo mabuti sana kung nasa Pilipinas kami na kabi-kabila ang mga kamag-anak mo na tutulong sa'yo. Pero sa US, wala kaming malapit na kamag-anak, kahit pa "kapuso" o "kapamilya" pa, dagdagan mo pa ng "kabagang" o "kaututang dila pa" hehehe; dito KKB, kanya-kanyang buhay, ang mahirap aakuin mo ang lahat, habang wala ang iyong asawa, ikaw na ang tatay ikaw pa ang nanay, ikaw pa ang drayber at katulong. Kung pwede nga lang hakutin ang mga kamag-anak ko sa Pilipinas para lang gawin kong katulong at drayber namin ginawa ko na para matulungan na rin sa naghihikahos nilang buhay, pero di naman pwede, ang higpit ni Uncle Sam. Kahit katulong wala nga eh, drayber pa? Hay kaya nga di ganun kadali ang buhay sa US, minsan naiinggit nga ako sa mga mayayaman o nakakaangat sa buhay sa atin sa Pilipinas dahil may yaya, katulong at drayber pa, samantalang sa US, all around, bukod pa sa pagiging career woman ko, (naks naman, career woman daw hehehe)"kayod marino" talaga yung tipong bawal ang mapagod at bawal magkasakit.
Ito pa ang disadvantage, tuwing lilipat kami ng lugar o ng base, lagi na lang akong nadedemote sa career ko, sa halip na pataas eh, pabulusok pababa ang career ko, kumbaga sa ingles "nose dive" sa tagalog "pango," oo pango o sarat na nga yata ang career ko sa sobrang subsob hehehe. Mula sa pagiging engineer sa Pilipinas naging technician sa California, napromote naman ako at naging Senior Component Engineer, habang nilalasap ko ang magandang posisyon na ito na talagang masasabi ko na "job security" ito dahil nalagpasan ko lahat ng lay-offs ng kumpanya namin at ako na lang ang natira sa department namin, eto na naman, malilipat na naman ng base, nagresign uli para nga pumunta naman ng Hawaii.
Sa Hawaii, ayun balik technician na naman ako, (pasalamat nga ako at may nahanap kaagad akong trabaho dahil sabi ng dati kong amo, "lei greeter" daw ang bagsak kong trabaho, taga welcome at taga sabit ng bulaklak na calachuchi sa mga turista hehehe). Pero swerte pa rin dahil napunta ako sa manufacturing ng medical devices, napromote mula sa pagiging doc. technician at naging QA/RA Specialist (kung anuman yun, huwag ninyo nang alamin at sasama lang ang loob ko, basta nasa R& D o Research and Development ng medical device, di ba ang gandang pakinggan? Pero ito na naman bagong assignment na naman....Japan......ayun pinili ko pa rin ang pamilya ko.
Ngayon nasa Japan ako.....mukhang napromote yata ako.....yehey sa wakas......CHEMIST na ako, Chemist-er umaasa waaaaaa teka parang walang pinag-iba yata ito sa DH ah??? Oo nga, dakilang housewife!!! Isang taon na! Breaking the record! Waaa! Waaaaaaaa....tanga ba ako??? Engot? Hunghang??? Isang taon ng walang trabaho na dapat nagpapakasasa na ako sa magandang buhay sa Hawaii ngayon. Sabihin niyo ng tanga at eto bulag at bingi na rin yata ako, masaya pa rin ako at buo pa rin ang pamilya ko.
Sa tingin ninyo pag-asa pa ba ako ng Pilipinas at handog sa mundo? E isa na rin ako sa mga taong palamunin at walang maibigay na tulong sa nangangailangan. Ito ang lagi na lang palaisipan sa akin kung paano ako magiging karapat dapat sa sarili ko, sa ibang tao at sa bayan ko.
Pero ang alam ko, nagpapadala pa rin ako ng pera sa Pilipinas yun nga lang madalang na lang sa patak ng ulan, kada dalawa o tatlong buwan na lang, para sa Tatay at mga kapatid ko at minsan inaambunan ko pa ang tiyahin at mga pinsan ko. Nagpapadala pa ako ng balikbayan box , jumbo pa ang kahon dito kaya ang hirap pang punuin, parusa! hehehe. Pero iba talaga ang pakiramdam sa bawat hulog mo sa box kahit pawis at luha ang nilaan mo rito ang hatid pala nito ay ligaya at payapa ang pakiramdam na alam mong may makikinabang sa mga padala mong ito. Ano kaya iyon pwede na rin siguro akong maging pag-asa ng ating bayan, di ba? Dahil nakakapag remit pa rin ako ng dollar$$$ sa atin hehehe.
E paano naman ang handog sa mundo, "pasok" ba ako dito??? E jobless ako??? Hindi ako napapakinabangan ni Uncle Sam eh?? Wala ngang job opening sa field ko dito sa nakakainis na US base dito sa Japan, di ko naman kayang mag Japayuki no at wala akong "k" hehehe at ayoko namang makipag kumpetensiya pa sa mga kababayan nating Pinay na naghahangad mapadpad ng Japan, di ba?
Bakit ba parang "TH" ako as in "trying hard" magpapansin? Bakit marami akong katanungan na pinipilit kong sagutin. Ano nga ba ako ngayon? Ewan ko, hindi ko rin maintindihan ang sarili ko, naaawa ako sa sarili ko, ganun ba? Sinasambit ang mga bagay na yan para lamang pampa "lubag-loob?"Dahil sa parang wala na akong silbi sa ating bansa o kahit na lang sa mga kapatid at tatay ko? Masisisi ninyo ba ako na sa bawat letra ng tema ng PEBA na "Pag-asa ng Bayan, Handog Sa Mundo" parang lumalatay sa katawan ko ang mga kataga na ito. Hindi ko alam, kung bakit, basta ang alam ko ngayon nasusulat ko ang mga hinaing ko dito sa blog ko. Walang halong kaplastikan pero ito ang nararamdaman ko hindi lang dahil sa pacontest na ito kundi ito ang totoong nararamdaman ko.
Kaya hayaan ninyo babalitaan ko na lang kayo kung natanggap na ako sa trabaho. Sabi nga sa patalastas ng Champion, at ito ang aking pananaw sa buhay, "laging buo ang loob" at alam ko ako yun kasi pakiramdam ko pag kasama ko ang pamilya ko "abot ko ang mundo" teka....parang commercial yata ng Globe yun ah??? hehehe tsk tsk tsk homesick na talaga ako, iba talaga ang pakiramdam pag nasa sarili kang bayan...oo, sa bayan kong sinilangan. Walang katulad, walang kaparis, nandito pa rin sa puso ko at kailanman patuloy na mananaig ang pagiging isang tunay na Pilipino.
----------------------------------------------------------------------------