Showing posts with label buhay-buhay. Show all posts
Showing posts with label buhay-buhay. Show all posts

Friday, August 22, 2014

HULA SCOOP: Hindi Mo Malilimutan Ang Mga Nakaraan Sa Iyong Buhay

Bangui Windmills,  Ilocos 


HULA:  Hindi mo malilimutan ang mga nakaraan sa'yong buhay na naging daan para maging ano ka ngayon, kung anuman ang nagpabago sa'yo, sige lang, push mo yan.

SCOOP:  Gaano man katagal na kong di nakapanghula, hindi ko pa rin malilimutan ang blog ko.  Ito ang naging daan para maging abala ako sa aking pag-iisa at ito ang humubog sa akin kung ano ako ngayon.

---------------------------------------------------

Halos dalawang taon din akong di nakapang hula kaya di ko na rin na update ang blog ko na to.  Nasira kasi ang radar ko e hehehe.  Ngayon medyo naayos ko na at mukhang pagsusumikapan kong makapag post ako ng regular.  I wish hehehe......

Ano nga bang nangyari sa akin sa dalawang taon na nawala ako dito at ano ang mga natutunan ko?  "Madlang people" ready na ba kayo? (Feeling nasa Showtime ako a hahaha)

1.  Natuto akong tumutok sa mga teleserye, walang patlang talaga, dati rati napapalampas ko pa ang iba, ngayon hindi na, lahat talaga hehehe.  Nandyan nagalit ako kay Nicole nang "Legal Wife,"
at nanggigil kay Franco ng "Ikaw Lamang" at hanggang ngayon nanggigigil pa rin ako,  kung pwede lang ipabaon na rin ng buhay yang si Franco na yan.  Kahit ang babaeng puro buhok (Moon of Desire) ay nasundan ko rin ang kanyang buhay, kahit si Dyesebel na may buntot at si Galema na may ahas.

2.  Magdadalawang taon na kong nawala, noon na adik ako sa Be Careful With My Heart  at ngayon......hanggang ngayon hindi pa rin tapos ang teleserye na yan,  ako na ang sumusuko na panoorin ito e, OMG, nagagalit na ko, as in GRRR hehehe.  Parang awa nyo na, tapusin nyo na! hehehe

3.  Noong isang taon, August ginawa ako ng anak ko na "batang lola" kahit ayaw ko wala naman akong magawa.  Iba pala ang pakiramdam na isa na akong lola sa edad na 41.  Hayyy sabi nga sa kanta ni Jugs, "ayokong tumanda....ayokong tumanda" hehehe.

4. Nakadalawng uwi na rin ako sa Pilipinas, kahit na walang sapat na pera ay nagpapasalamat pa rin ako na nakauwi ako at nasilayan ang aking mga kapatid at ama.  Tumatanda na ang Tatay ko kaya kahit walang pera pinipilit pa rin namin makauwi para habang malalakas pa ang Tatay ko at mga magulang ng asawa ko ay naipadama namin sa kanila ang aming pagmamahal, naks.  Mas mahirap tanggapin, na uuwi lang kami kung wala naman na sila, di ba?

5.  Noong umuwi kami ng June,  isang kakaibang karanasan ang namalas namin sa aming Ilocos Tour.  Nakapag sandboarding ako (plakda! hehehe) at napuntahan namin ang Bangui Windmills, Kapurpurawan Rock Formation, Paoay Church, Marcos Museum at Pagudpud Beach.  Masaya dahil isang bus kami, buong pamilya, sama-sama.

6.  Sa panonood ko ng TFC o ang The Filipino Channel ay hindi na ako nahuhuli sa mga bagong salita ngayon sa Pilipinas o ang mga slang words o kahit gay lingo pa yan, naks naman.  "Wasto na You!" ang sabi nga nina Amy Perez at Rodrick Paulate sa Singing Bee.  "Boom Panes" (Show Time at Gandang Gabi Vice) na sa kin ang mga slang nila,  nakakasabay na ko, kerri lang hahaha (Pure Love).
7. Na adik na rin ako sa instagram at nawalan ako ng gana na mag twitter na, mas gusto ko kasing magpost ng pictures kaysa mag twitt, e wala rin kasi akong friends na sumasagot sa mga twitts ko hehehe.  Kahit tumatanda na, eto panay ang hash tag pa rin as in "#".  At pa throwback- throwback pics na lang ang "peg"  hehehe.   Marami rin na kong pina follow na mga artista since konti ang mga friends ko na kasing edad ko na nahilig sa instagram.  At masuwerte ako na sinagot ako ni Kris Aquino at Pokwang sa mga comments ko, big achievements ko na yan, hahaha.  Balak ko ngang ipa frame yun screen shot ng reply nila e, lol.   "Para-paraan" lang yan hehehe.

8.  Medyo kumapal n rin ang mukha ko dahil,  pinilit ako ng mga anak ko na mag "ice bucket challenge" kahit ang huling sagot ko ay "never akong mag ice bucket challenge" heheheh, nahiya kasi ako kina George Bush, Oprah Winfrey, kay Mark Zuckerberg ng facebook at Larry Page ng Google (baka idelete pa ang blog ko e hahaha) na sila mismo gumawa ng challenge.  So "go" na rin ako.

9.  Nalaman ko rin na uso na ngayon na tawagin ang nakakatanda na "Ate" at "Kuya" dati rati, Tita o Tito o kaya "Aling" o "Mang, "Manang" o "Manong" at lagi nilang sinasabi na "Push mo yan 'te" at parang may kanta pa yata yan ;-) Parang nakakapagpa bata ang dating kasi Ate lang tawag nila sa kin, pero di ko pa rin tanggap na Ate na nila ko, feeling ko kasing age ko lang kasi sila e, mid life crisis na ba to?? huhuhu

10.  Na adik rin ako sa pag gawa ng mga loom band, dati hindi ko alam kung ano o sino yang loom band na yan,  hmmm napa isip nga ako kung sino yun soloista nila at bakit sikat, ay napahiya ako, akala ko kasi naman banda talaga no, hehehe rubber bands pala.

Nawa'y nadulutan ko kayo ng munting ngiti sa inyong mga labi.  Hanggang sa muli.

PAHABOL:

At eto pa,  bakit dumadami ang bakla ngayon?  Hindi naman sila nanganganak? hehehe sana lang sa mga susunod na henerasyon ay hindi natin malimutan ang sarili nating wika at huwag mapalitan ng wika ng mga bakla, hehehe.  "Havey" o "Waley?"












Tuesday, September 18, 2012

HULA SCOOP: Kakayanin mo ang lahat ng mga problemang darating sa buhay mo



HULA:  Kakayanin mo ang lahat ng mga problemang darating sa buhay mo, huwag ka lang mawalan ng pag-asa.  Hangga't may San Miguel beer...walang katapat....ang anumang problema! este commercial pala hehehe

SCOOP: Gaano man kalaki ang isang bagay, pwede mong paliitin at ang isang bagay na maliit pwede mo rin palakihin....basta huwag ka lang maglalasing, hindi tama yan! Ang camera nalilinlang tayo pero ang beer hindi kailanman magpapalinlang sa'yo!  Ang problema hindi nawawala sa paglagok ng mapait na yan...pag gising mo mapait pa rin ang buhay na haharap sa'yo.

-----------------------------------------------------

Yan ang Tatay ko! Hindi nagpapatalo sa beer, kita nyo hirap na hirap itulak ang beer, gaano pa kalaki ang bote na yan hehehe

Teka natatandaan nyo ba ang meaning ng "San Miguel Pale Pilsen?" Tanda ko noong bata pa ako may meaning talaga yan e....eto ang pagkakaalala ko:

Sa
Aming
Nayon

May
Isang
Guwapo
Umuwi
Eh
Lasing

eto pa:

Sa
Aming
Nayon

May
Isang
Ginoo
Umuwi
Eh
Lasing

Pati
Ako
Lasing
Eh

Pati
Ikaw
Lasing,
Sige
E-numan
Na!!!

Pasensiya na at lagi akong tindera sa tindahan namin noon e hahaha

Teka e paano kaya ang bagong version ngayon? Try ko nga:

Sa
Aming
Nice haus

May
Isang
Gay
Umuwi
Eh
Lasing

Pati
Atetch
Lashing
E

Pa-girl
Itetch
Lasing!
Simeon? (sino yun?) hayyy
E-numan
Na nga!

hehehe, gets nyo??





Thursday, August 4, 2011

HULA SCOOP: Matututo ka ng maraming kaalaman sa internet


HULA: Matututo ka ng maraming kaalaman sa internet. Pero mag-ingat ka, baka matulad ka sa iba dyan, lam mo na....alam ko na rin yun, alam mo na nga ba?? hahaha basta alam mo alam ko na rin!

SCOOP: Paano ba mag-ingat para matuto? Pulutin mo ang mabubuti para sayo at itapon mo ang di dapat pero huwag ka naman maging basurero. Magshare ka rin naman sa iba. Tama di ba??

--------------------------------------------------

Sa panahon ngayon parang ang hirap matuto na nag-iingat, masyadong maimpluwensiya ang internet ngayon. Pero minsan nakakatuwa rin isipin na mas napapadali ang lahat dahil sa paggamit ng internet dahil sa pagtanong mo kay pareng google o kahit pa kay kumareng yahoo, may sagot agad, na dati rati parang milya-milya ang layo para malaman mo ang isang bagay na hindi mo alam. Noon kapag hindi mo makita si kapitbahay na Merriam o kahit pa si Britannica hindi mo na alam ang sagot sa mga katanungan mo e paano na lang kung wala kang kapitbahay na Merriam o Britannica?? Di ba? Pupunta ka pa sa public library, para lang alamin pero sa sobrang tamad ng mga tao at sobrang abala hindi na nanaisin pang malaman o pumunta sa library..... teka ano nga ba ang tagalog ng library? Teka matanong nga si pareng google......hintay kayo ha.

Ayun, aklatan! Nalimutan ko na nga yan salita na yan sa Tagalog, pero ngayon mas mabilis na lalo na kung wala akong English-tagalog na dictionary(wala naman talaga), sa internet nandun na ang kasagutan. Ang dati-rati na "milya-milya" ang layo, o kahit "ga-dipa" o ga-kamay" (meron ba nun? hehehe) ang layo ng dictionary mo sayo, ngayon "ga-keyboard" o "ga-daliri" o "ga-pindot"na ang lapit hahaha.

Natatandaan ko nga noong ako pa ay nagtatrabaho sa California, may ka opisina ako na Pinoy din at naitanong niya sa akin ito, mga 10 taon na itong nakakalipas kaya siguro noon eh hindi pa niya masyadong ginagamit si google ng buhay ko hehehe:

Joe: Sards alam mo pa ba ang preamble ng Philippine Constitution natin?
Sards: Ahhh oo naman (sabay type sa google ng "preamble of the Philippines Constitution.....habang nagchecheck ako ng sagot sabay tanong ko na).....bakit di mo ba yun alam??? (ayun lumabas na ang sagot, ang bilis!)
Joe: hindi e, nalimutan ko na. Talaga alam mo pa rin yun preamble? Saulo mo pa rin? Sige nga sabihin mo sa kin. (Aba ang mokong hinahamon talaga ako, hehehe)
Sards: Oo naman, eto (sabay basa sa internet, dahan-dahan na parang sinasaulo at ninanamnam):

"We, the sovereign Filipino people, imploring the aid of Almighty God, in order to build a just and humane society and establish a Government that shall embody our ideals and aspirations, promote the common good, conserve and develop our patrimony, and secure to ourselves and our posterity the blessings of independence and democracy under the rule of law and a regime of truth, justice, freedom, love, equality, and peace, do ordain and promulgate this Constitution."

Joe: Ang galing mo naman.
Sards: Syempre sinaulo ko yan nun nasa College ako no at until now saulo ko pa rin. Ang higpit ng teacher ko nun.
Joe: Eh yun 1987 Philippine Constitution alam mo lahat??
Sards: Sobra ka naman, di ko na alam yun no, ang hirap kaya nun! (baka mahalata na ko nya no, hahaha)

Aral 1: Daig ng wais ang mabagal magtype, hahaha.
Aral 2: Ibahagi ang nalalaman, huwag maging taga pulot na lang, kasi basurero labas mo nyan.
Aral 3: Minsan kailangan mong mag sinungaling kaysa maging hambog para makuha mo ang paghanga ng iba.

Sana lang huwag niyang mabasa ito, dahil hanggang ngayon di pa niya alam ang sikreto ko, hahaha.

Friday, June 24, 2011

HULA SCOOP: Maganda ang umaga mo, masisilayan ang 'yong mga ngiti

Kape at Pandesal bida sa almusal


HULA: Maganda ang umaga mo sa araw na ito, masisilayan ang yong mga ngiti kahit na may panis na laway sa'yong mga labi. Mag-ingat ka pagdating ng tanghali.....dahil baka labi mo'y mapangiwi.....hindi ko na alam ang sunod pang mangyayari. Bahala ka na dumiskarte life mo yan no...go, go, go dali!

SCOOP: Malamang masaya ka ngayon kasi mapapangiti ka raw e. So ako naman isip-isip, paano nga ba ako mapapangiti?

-----------------------------------------------------

Sa totoo lang ang hirap talaga mag-isip ng ipopost ko dito, kung bakit kasi hulascoop pa ang paksa ng blog ko, para talagang naghanap ako ng pako na ipupukpok sa ulo ko....ay martilyo pala na may pako hehehe. Ang hirap!! Minsan wala talagang pumapasok sa utak ko as if meron naman akong utak? hehehe

Ayun, eto nagtatype lang ako pero wala pa akong topic, bahala na si daliri kung saan ako dalhin go lang ng go, sunod lang ako, wag lang sa parte na mamasa-masa e ibang lugar na yan....tubig na yan no! hahaha kala nyo ha! di yata ako makakapag type sa tubig no! So eto, balik uli ako sa keyboard, basta pindutan medyo mabagal ako e, sanay kasi ako sa himas ba....himas ng ballpen lang kasi alam ko habang nag-iisip. Ganyan ako nun di pa uso ang computer...hehehe.

So eto nagbabalik tanaw na lang ako, lam n'yo naman kahit matagal na ako dito sa Amerika ang puso't isipan ko ay nasa Pilipinas pa rin.

Eto mga ginawa ko kanina bago ako gumawa ng blog:

1. Pag gising ko, may ngiti sa aking mga labi, naks totoo pala ang hula ko! "Happy Yipee Yehey" talaga! hehehe...hmmm bakit kaya? syempre birthday ng aking Papa kahapon lam n'yo na, dapat may surprise gift....kaya ayun....bingyan ko siya ng......secret....syempre secret dapat yun niregalo ko sa kanya no hehehe. Eh masaya ang aking Papa kaya masaya rin ako kaya hanggang pag gising ko masaya pa rin ako, basta ganun hehehe. Wala kasi akong bad dreams no hehehe.

2. Mga 6:45am nag alarm ang celfon ko , so "pinindot" ko ang snooze, idlip uli ako....tumunog na naman yun alarm, pindot na naman ako, ayun pindot-idlip-pindot ang ginawa ko, kakapagod kaya ginising ko na rin sarili ko, nakakagising pala talaga ang pindot...hehehe. Bakit kasi nauso ang "snooze" sa alarm clock o kahit sa cellphone? E kaya ka nga nag-aalarm para magising ka tapos maglalagay sila ng button na snooze para umidlip uli? Ang labo talaga ng tao, di ko magets minsan.

3. Pinatay ko na ang alarm ko at handa ng tumayo mga 7:10 yun, dakma kaagad ako sa aking peborit....ang aking celfon. Wala na pala ang aking Papa, pumasok na sa trabaho, nagising nga pala ako sa kanyang halik para magpaalam na aalis na siya. Kaya ayun, check ko ang twitter ko, hanep 2 days ago lang ako nagsimula na magtwitt pero 2 years na akong may twitter. Medyo feel ko maaadik yata ako dito, dati kasi facebook ang una kong chinecheck ngayon twitter na. Masamang senyales na naman ito, tsk tsk tsk. So ayun, nagtwitt na ako then nagcheck ng facebook at nagkolekta ng mga pera sa aking cityville hehehe. Teka, follow nyo naman ako sa twitter ko, "hulascoop" ang username ko hehehe.

4. Bumaba ako at tumungo na sa aming kusina ng 8am, ang dalawa kong magaling na mga anak, tulog pa rin, napuyat kakapanood ng korean soaps (hmmm ewan ko ba naadik na sila dun, mabango kaya yun mga soaps ng Korean?? hehehe), hayy.... bakasyon na kasi sila, kitang-kita ko ang "ibidinsya" makalat ang kwarto!! grabe! Pero hindi ako nagpaapekto sa aking magandang umaga, ignore ko na lang sila, tatanda lang ako kagad kung magagalit ako no. Kaya nagtoast (ano nga ba ang toast sa tagalog? hay naku nalimutan ko na) ako ng pandesal at take note po, wheat siya binili ko sa Valerio's bakery...feeling healthy hehehe. Gumawa rin ako ng kape. Hmmm ano kayang palaman, peanut butter! Eto na naman ako nagbalik sa alaala ko ang ginagawa kong palaman noon na swiss cup na chocolate lasang chocnut yun, wala na yata ngayon ganun sa Pilipinas. Pero tanda ko talaga ang pangalan kasi may tinda kami nun sa tindahan namin, hugis bilog siya at hindi hugis cup at masarap, peborit ko yun. Dinudurog ko at binubudbod yun swiss cup sa pandesal, lasang peanut butter na hehehe.

Tsalap!! Kaya pandesal na peanut butter ang palaman at kape ko ngayon sa almusal, labit!lab it! Isasawsaw ko pa sana sa kape pero nahiya ako sa sarili ko hahaha, may palaman naman pandesal ko e kaya di ko na ginawa para ano pa, para pagkatapos isawsaw sa kape, hihigupin yun kape kasama yun mga "mumu" mula sa pandesal?? hehehe para masabing super linis ko?? gawain ko yan dati hindi na ngayon....paminsan-minsan na lang hehehe.

5. Naalala ko ang mga kapatid ko sa Pilipinas, kailangan na naman daw ng tulong e kaya, tumawag muna ko, bandang 8:15am yun. Ayun kwento-kwento about buhay-buhay nila then buhay-buhay uli ng ibang tao....kung ano ng nangyari kina nina Javier, Alexander, ang mag-inang Via at Magda, Abel, Rein, Ana Manalastas, atbp. hay nakakaadik kasing manood ng mga teleserye sa TFC no hehehe di pa ako makuntento e tinanong ko pa sa Ate ko hehehe. Kaya kung di nyo sila kilala, wag pansinin mga bida lang yan sa mga teleserye ng channel 2 hehehe. So kwentuhan uli at yun sa "hinaba-haba ng prusisyon, sa pagpadala ng pera din ang tuloy" ayun magpapadala ako ng pera bukas hehehe. Kung bakit pa kasi ako tumawag e hehehe.

6. Pag tingin ko sa orasan namin, 8:30am na pala so akyat uli ako sa taas at chineck ko pa muna ang facebook ko at saka nagpalit na ng damit, pumasok na naman sa alaala ko ang kanta ni Yoyoy Villame ang sikat na "Mag exercise tayo tuwing umaga" handa na kasi akong mag "jazzercise" todo na to! exercise to the max na hehehe. Ayun sinundo ako ng Thai friend ko para mapasabak uli sa exercise na umaatikabo.

7. Mga 10:30 na ako nakabalik mula sa jazzercise namin, iniisip ko kung kakain uli ako, gutom na kasi ako e hehehe, pero napigilan ko pa rin. Akyat na ko at check uli ng twitter, ayun isip ako ng hulascoop ko na ipopost ko sa twitter. After maipost, parang gusto ko rin mag update ng blog ko kaso wala talagang maisip na iba blog e. Hanggang eto gumawa na lang ng post kung anong pinag gagawa ko ngayon as in now na!

8. Tinatawag ako ng anak ko, gising na rin...at gutom na! Wala pa pala kaming ulam 12:30 na hahaha, pasensiya sila at nagkaroon sila na adik na Nanay, adik sa facebook, blog at twitter hehehe. Ano kayang uulamin namin??? Hmmm isip-isip...lucky me pancit canton na lang hahaha. O sige na magluluto na ko ng lucky me tapos lalagyan ko na lang ng itlog ng pugo. Peborit ko yan nunmaliit ako, laging may naglalako sa min ng itlog ng pugo, lagi ko rin almusal.

"Lucky me!" ay wish me luck pala...sa aming tanghalian, hehehe.

So anong masasabi nyo sa tanghalian namin, Pinoy na Pinoy ba? hehehe

Sunday, March 20, 2011

HULA SCOOP: Marami Kang Malalaman Na Hindi Mo Pa Nalaman Noon

Downtown Seattle, Washington


HULA: Marami kang malalaman na hindi mo pa nalaman noon na ngayon ay inaalam mo na. Lalawak na ang iyong kaalaman basta lang alamin mo ang mga ito.

SCOOP: Sa mga natutunan mo sa buhay at anuman ang iyong mga pagkakamali ay itutuwid ka nito sa tamang daan ng iyong buhay. Dito pumapasok ang bago mong kaalaman, korek ba? korek!! Hala alamin mo na no!


-------------------------------------------------------------

Maglalabing limang taon na rin pala ako umalis ng Pilipinas, 13 taon sa bansang America at dalawang taon sa Japan, marami na rin akong natutunan dito sa US lalong lalo na pagbigkas ng ingles.

Anu- ano ba ang mga natutunan ko dito na mali ang pagkakaalam ko nang nasa Pilipinas pa ako??

1. Akala ko noon, ang bag at bug ay homonyms...hindi pala! ang bigkas ng bag ay medyo mahaba na may halong arte at yun bug naman ay pabigla as in kablag na parang may sumundot sa pwet mo at nagulat ka hehehe.

- Mga ilang linggo palang ako dito sa US nang magtanong ako sa cashier, "Miss do you have an extra bag?" ang sagot sa kin ay "I'm sorry, what was that again?" so sagot naman ako, "Bag so I can put my other clothes there" at sagot naman ng bruha, "Ohh did you mean "baaag?" sabi ko naman "Yes, baaaaag!" (bruha! hehehe) Bakit nahihingi kaya ang bug?? luko-loko talaga ang bruha! Hindi ba niya makuha sa sentence ko?? hello?!!

2. Ang bank at bunk ay hindi rin homonyms, wala rin pinag iba yan sa bag at bug. Kaya pag magbibigkas kayo ng bank dapat may arte na rin na parang "bennnk" kundi hindi ka maiintindihan dito. Akala nila bunk ang sinasabi mo.

3. Huwag kang magtatanong ng kung nasaan ang CR nila dito, dahil tinanong ko rin yan nun unang dating ko sa airport di nila naintindihan, so sinabi ko na malumanay na ...."CR as in comfort room" hay di pa rin nila ko naintindihan kaya sabi ko na lang "How about toilet???" anak ng tinapa di pa rin ako naintindihan!!! Hay hinanap ko na nga lang at ayun nakita ko ang sign "Rest Room!!" Pahingahan pala ng sama ng loob hehehe.....kaya mula nun di ko na ginamit ang buset na CR at Toilet na yan wala palang pakinabang dito. Ingles na nga di pa rin maintindihan!

4. Ang salitang "arrive" ay di nila ginagamit dito, ang iba di yata naiintindihan yan. Tanda ko nun sabi ko "What time did you arrive?" ang tanong sa kin "What did you mean?" Hmmm di nila pala ginagamit ang word na yun para bang sa tagalog ehh napakalalim na salita na sa kanila yun. Ang gamit nila ay "come" or "get" kagaya ng "what time did you get in here?" or "what time are you coming in here?"

5. Ang sundo ay "pick up" at hindi nila ginagamit ang "fetch." Kagaya ng "I will pick up my kids later today."

6. Ang "hatid" ay "drop-off" at hindi accompany.

7. Ang "often" ay hindi pala silent "t," anak ng pating yun titser ko tinuro sa min silent t ang bigkas ng often as in "ofen" yun pala of-ten pa rin, bakit ganun?? Sino bang mali, ang titser ko o ang titser ng titser ko??

8. Ang bigkas ng "tube" ay "toob" parang tu-ba at hindi "choob" tawanan ka pa nila dito! hehehe kaya pag sinabi nyo ang "youtube" siguraduhin ninyo hindi ito "you choob" bigkasin ha, ok ulitin nyo, basahin nyo uli hehehe. Walang pinag-iba yan sa tulip, paano nyo ba bigkasin ang tulip? chulip o tulip? syempre tu-lip , ganun din ang tube hehehe.

9. Huwag kang magsasalita ng malakas dito na winawarningan mo ang anak mo at sasabihin, "Madapa ka"....dahil ang "madapa ka" tunog ng "Mother F***ker sa kanila hehehe.

10. Ang salitang "aso" pag narinig ng mga Amerikano ay napapalingon sila kasi akala nila minumura mo sila na "As*hole" hahaha, pagpasensiyahan nyo na sila mga bingengot kasi sila e.

11. Ang madalas sabihin ng mga Pinoy na pag di nila naintindihan ang kausap nila ay, "Come again" (lalo na sa telepono) di ka nila maiintindihan dito niyan come again mong yan, baka iba ang dumating sayo niyan hahaha, ask mo na lang sila ng "I'm sorry I didn't hear it" o "Execuse me, can you say it again" at alam ko sa Canada ang expression nila ay iba rin kumpara sa US, "pardon me" ang gamit nila. At huwag ka rin sasagot ng "Ha?" pag di mo sila naintindihan. E "Bakit" siguro ang itatanong mo sa kin??....... wag ka naman magtanong sa kin nyan hehehe

12. Dahan-dahan sa pagbigkas ng "beach" dahil baka "bitch" ang dinig nila, so hindi rin sila homonyms.

13. Ang ballpen ay di nila kilala, si "pen" lang hehehe

14. Ang pentel pen ay brand ng marker kaya tawag nila ay "marker"

15. Ang puncher ay hole puncher o two-hole punch o three-hole punch

Hay ang dami no! Kakaloka! Yun iba nalimutan ko na e, next time na lang....pero ang naiinis ako yun pinag-aralan ko sa Home Ecananay (HE) ay di naman pala ginagawa dito, kagaya ng pag nagseserve sila ng pagkain, laging walang kutsara! puro tinidor, di tuloy ako makakain ng masyado pag tinitinidor ang kanin, kainis! e paano pa kaya kung buhaghag ang sinangag, e di hindi ako matapos-tapos sa pag gamit ng tinidor, unfair talaga sila, bakit ang Chinese at Japanese tanggap nila na gamit ay chopsticks pero bakit ang Pinoy di nila i-accept na kutsara't tinidor ang gamit sa pagkain. Hay kahit nakakahiya, yun serving spoon, ginagamit ko pag kumakain kami sa restaurant hehehe, pakialam nila no! Pinoy yata ito!

UKOL SA LARAWAN: Wala lang, wala akong mailagay e, share ko lang sa inyo kung ano ang hirsura ng downtown Seattle hehehe, at least ngayon may nalaman na kayo so swak pa rin pala sa hula ko hehehe.

Monday, August 16, 2010

HULA SCOOP: Malungkot ka na masaya ngayon


HULA: Malungkot ka na masaya ngayon, pero wag kang sisimangot kasi magtutuloy-tuloy ang malas mo. Pag ngumiti ka e di masaya ka na nga! hehehe

SCOOP: Kailan ka ba nakaranas na malungkot na masaya? Ang labo di ba? Ganun talaga, minsan malabong malinaw ang mga bagay hehehe.

---------------------------------------------------------------
ANG BUHAY NI SARDS- MALUNGKOT NA MASAYA

MALUNGKOT AKO, KASI.......

- wala na naman akong trabaho! waaaaaaaaaaaaaaa
- iiwan na namin ang Japan
- gastos na naman sa paglipat
- mamimiss ko ang mga magagalang na Japanese sa lugar namin
- mamimiss ko ang murang sushi at ang miso ramen
- mamimiss ko ang magarang inodoro na wini-wisik-wisik ang iyong lam mo na, libre hugas hehehe..ang "bidet"
- mamimiss ko ang maraming snow
- wala na ang cute kong pajerong luma na nasa kanan ang manibela, wala na rin ang van namin na kasa-kasama namin sa malalayong lugar tulad ng Tokyo
- binebenta na namin ang bahay namin sa Hawaii (bilhin nyo na!)
- mamimiss ko ang mga kaibigan ko dito at sa church namin
- mamimiss ko ang kitkat na iba-ibang flavor (may toyo, wasabi, strawberry banana, soy beans, yogurt, apple, sakura, atbp)
- pigil na ang pagshopping ko kasi wala na ako work hahaha ay huhuhu pala
- mamimiss ko ang mga festival dito

MASAYA AKO, KASI

- bago kami lumipat sa aming bagong destinasyon, dadalaw kami sa Hawaii at makikita ko uli mga kaibigan ko doon
- bibisita kami sa Pilipinas
- dadaan kami ng Korea para makakita ng mga Koreayuki ay Koreano pala hahaha
- di na ako gigising ng maaga para magwork
- aalis na kami sa Japan so wala ng lindol na mararanasan
- bago na naman ang sasakyan
- bagong lugar na mas konti ang snow
- at higit sa lahay, buong araw na akonag makakapag facebook at blog! hahaha

MASAYA NA MALUNGKOT AKO, KASI

- makikita ko ang Tatay at mga kapatid ko at mga kamag-anak at kaibigan sa Pilipinas pero...mabubutas naman ang bulsa ko hehehe...gastos na naman!

- makikita ko uli ang Hawaii pero....gastos na naman!

- bago nga ang sasakyan pero panibagong bayarin na naman! huhuhu

- ibebenta na ang bahay namin, mamimiss ko ang bahay namin pero masaya ako dahil wala na akong babayarang super dooper mahal na mortgage

- wala akong work kaya facebook all day! pero wala naman kita....waaaaaaaaaaaaaa


ayoko na ang hirap naman ng nasa military! malabo na malinaw, matino na magulo at higit sa lahat, palipat-lipat na matatag ang buhay hahaha, kakaloka talaga!

Miss you all!!





Wednesday, June 16, 2010

HULA SCOOP: Isa sa mahal mo sa buhay ay magbibigay sa'yo ng karangalan


HULA: Isa sa mahal mo sa buhay ay magbibigay sa'yo ng karangalan. Kaya abangan mo na ito, malapit na, di maglalaon, ay di magluluwat, at higit sa lahat hindi na magtatagal......manapay.......nasa mga pintuan mo na hehehe.

SCOOP: Anuman ang karangalang ibibigay sa'yo ng mahal mo, dapat mo talaga itong ipagmalaki. At huwag ka ng magreklamo, just grab ka na lang ng grab.

---------------------------------------------------------

Bago ang lahat......hihingi lang ako ng pasensiya sa anak ko pero di ko sasabihin sa kanya, dito na lang hehehe (baka magalit LOL):

1. Pasensiya na anak, kung hindi kami kuntento sa grade mo pag "B" at nagtatanong ng, "Bakit B?" Anong nangyari? B lang?"

2. Pasensiya na anak, kung lagi namin sinasabi sayo na gumawa ka lagi ng homework mo at huwag matutulog nang hindi tapos.

3. Pasensiya na anak, kung napapaiyak ka namin dahil sa mataas lagi ang expectation namin sa'yo dahil alam namin kaya mo at alam namin na matalino ka.

4. Pasensiya na anak, kung kailangan mo pa rin gumawa ng gawaing bahay kahit tambak na ang homework mo.

5. Pasensiya na anak, kung minsan gustong awayin ng Papa mo ang mga teacher mo kapag may B ka sa klase.

6. Pasensiya na anak, kung minsan nagiging makulit kami, na tinutulak ka namin para maging aktibo sa mga extra curricular ng school niyo. Lam mo naman si Mama mo showbiz ang dating hehehe

7. Pasensiya na anak, yan lang ang kaya namin ipapamana sa'yo ang edukasyon at ang maging matalino sa klase.....kasi ganyan din ang sinabi sa amin ng mga magulang namin.......kaya kami nandito ngayon sa kinalalagyan namin. Alam kong mali pero yan ang tama , hehehe ang drama ko!!! Sige na nga tama na yan.....baka maging mali pa yan hehehe.


Di na ko magpapaliguy-ligoy pa, I'm proud of my daughter!!! Yahoo, Congrats Lei! Love you
Eto na po ang Salutatorian speech niya.....salamat naging mabuti kang anak!!






Di ka pa tapos anak, simula pa yan ng panibagong kabanata ng iyong buhay. May college pa, pahirapan pa lalo pero kaya mo yan! Kung iiyakan mo ang college days, ok lang yan kaya nga may luha para malinisan ang mga mata hehehe. Madugo magpa-aral baka kami ang umiyak sa'yo hehehe pero ok lang yan. Kaya natin yan! Congrats! and we love you!! mwahhh

Saturday, June 12, 2010

HULA SCOOP: Sobrang Saya Mo Na Naman Ngayon


HULA: Sobrang saya mo na naman ngayon, parang kang nasa ulap.

SCOOP: Paano mo ba masasabing sobrang saya mo??? Kanya-kanyang sagot yan, kaya wag na lang tayong magkopyahan hehehe ay mag inggitan pala.

-------------------------------------------------------------
STAGES ng SOBRANG SAYA
(ayon lang kay Sards)

bata- masaya na sa lollipop

teen-ager- sobrang masaya kung marami na siyang pambili ng lollipop na ibibigay niya sa barkada niya, di lang lollipop kahit chocnut, cloud 9, flat tops, atbp pwedeng pwede na

may syota na- sobrang saya dahil hindi lang lollipop ang nabibili niya, nadiskubre din niya na ang cloud 9 ay hindi lang chocolate pala

may-asawa na- sobrang saya niya kung.....(itutuloy ko pa ba??) ibang klase na ang lollipop niya at ang cloud 9 ibang meaning na sa kanya

sensiya na masayang masaya lang talaga ako e, eto na lang......


Masayang Masaya Ako Kasi.......


1. Dumating na ang asawa ko!!! yipeeee! ( puyatan na naman!! .....unahan sa internet no.... kayo talaga! hehehe)

2. Gumradweyt na ang anak ko sa high school!! (na dapat graduate na siya kung sa Pilipinas siya nag-aral, at nasa 2nd year college na sana siya ngayon)

3. Dumating ang asawa ko dalawang araw bago ang graduation ng anak ko (matapos makipag-away sa mga nagpapaalis sa kanila para ipilit isingit ang sarili sa mauunang batch na aalis hehehe, para lang makaabot sa graduation)

4. Tagumpay ang speech ng anak ko as Salutatorian.

5. Sinunod ng anak ko ang payo ko na banggitin niya ang "facebook" sa speech niya hahaha !!! Yes, tagumpay as in success ang speech maraming natawa!!!!


Next time ko na ipopost ang speech ng anak ko magpapaalam muna ko hehehe, mahirap na at baka mapagalitan pa ako hehehe.

Wednesday, June 2, 2010

HULA SCOOP: Mamomoroblema ka sa problema ng iba

Mabuti pa ang mga isda hindi namomoroblema sa kakainin nila samantalang ako, pinoproblema ko kung paano ko sila kakainin hahaha



HULA: Mamomoroblema ka sa problema ng iba. Kaya bilisan mong maghanap ng solusyon dahil baka magkaproblema ka naman.

SCOOP: Bakit nga ba tayo namomoroblema sa problema ng iba? Eh di naman natin problema yun? Ganun talaga ang Pinoy! Magaling magpasan ng problema ng iba. Napansin nyo ba yun?
---------------------------------------------------------------------------

Paano mamroblema ng problema ng iba ang mga nasa abroad o OFWs?

1. Walang trabaho ang kapatid
Solusyon- magpadala ka ng pera

2. Walang pangtuition ang mga anak ng kapatid
Solusyon- magpadala ka ng pera

3. Walang pampuhunan sa negosyo ang kapatid
Solusyon- magpadala ka ng pera

4. Walang pambayad ng kuryente at telepono
Solusyon- magpadala ka ng pera

5. Walang pambayad sa upa ng bahay
Solusyon- magpadala ka ng pera

Konklusyon- magpadala ka na lang ng pera buwan-buwan para di mo na marinig ang problema ng iba hehehe

Speaking of problema ng iba, ang anak ko namomroblema sa speech niya, Salutatorian siya pero may speech pa rin ang Salutatorian dito (swerte naman niya!). Kaso until now wala pa rin siyang maumpisahan. So nagtanong siya sa akin kung anong idea ang magandang topic. Ako pa ang tinanong niya eh hulaan nyo kung anong sinabi ko?? E ano pa sabi ko since uso ang facebook, twitter, tumbler or whatsoever eh di ipasok niya yun sa speech niya hehehe, natawa na lang ang anak ko sa kin (hmmmp kung di ko pa alam e baka gamitin din niya yun hehehe, we'll see).

Isa pang pinoproblema ko, di yata makakarating ang asawa ko sa graduation ng anak ko sa June 11 mula sa deployment niya sa Middle East. Yan ang pinoproblema ko kasi, malungkot ang anak ko, mamimiss ng Tatay niya ang pinakamahalagang bahagi sa high school life ng anak ko, yun graduation niya bukod pa sa makukuha niyang award, waaaaaaaaaaaaaa.

Di bale, ang mahalaga....importante talaga!! hahaha, nababaliw na ko! Ang pinapanalangin ko lang ngayon, makarating sa araw ng graduation ang asawa ko, kundi.......ganun talaga, that's life LOL ayoko ng mamoroblema pa. Kung di ukol, bukulin mo na lang! hehehe