Tuesday, September 6, 2011

HULA SCOOP: Tatamis ang pagsasamahan ninyo ng iyong minamahal

mansanas na binalutan ng tsokolate na hinugisan na parang daga hehehe (kuha sa Disneyland)


HULA: Tatamis ang pagsasamahan ninyo ng iyong minamahal, kaibigan man ito o iyong pagsintang mahal sana lang huwag mo lang matikman ang pait dahil kung mapait....malamang pagkain lang yang minamahal mo hehehe.

SCOOP: Bakit nga sa buhay kung may tamis laging may pait pagkatapos ng lahat? Di ko talaga magets, kayo kuha niyo? Mabuti pa ang chocolate laging matamis kahit galing ito sa mapait na kakao hehehe.


-----------------------------------------------------

Nakakatawa minsan isipin pero iisipin ko pa rin na minsan nagpatamis sa buhay ko ang pagkain ng candy at tsokolate.

Naalala ko kasing bigla yun buhay ko noong bata pa ako. Simple lang ang lahat, pagkagising sa umaga, kakain ng almusal, maglalaro sa kalsada, tatawagin ako ng Nanay ko sa pamamagitan ng mahabang sipol at pag narinig ko na yun, oras na para umuwi kasi kakain na ng tanghalian. Tapos dapat matutulog na pero tumatakas ako para maglaro uli at minsan pag may barya bibili ng candy sa kapitbahay namin na may tindahan kahit na may tindahan naman kami hehehe.
Pero ang naalala ko yun nagpasira sa mga baby teeth ko ang aking mga paboritong chocolates at candies, teka ano nga uli ang tagalog ng candy?? Kaya nandito ang listahan ko, kulang pa nga ito kung may time kayo, dagdagan n'yo na lang para mas masaya.

MGA CHOCOLATE AT CANDY NOONG BATA PA AKO (LATE 70's and EARLY 80's):

nips- eto ang m&m pinoy version natin, hugis butones at makulay, matanong ko lang may kulay blue na ba na nips noong 70s? kasi ang m&m noong 1995 lang nagkaroon ng kulay na blue

swiss cups- di pa uso ang chocnut nun, eto ang paborito ko noon, hugis na bilog na flat siya pero mas maliit, lasang chocnut din, pinapalaman ko ito sa pandesal o pandelemon, kaya lasang peanut butter na rin hehehe, sino kaya ang manufacturer nito? nalugi na siguro hehehe


lipps- naalala ko lang itong candy na ito noong minsan nag-usap kami ng mga high school classmates ko sa facebook at nauwi sa mga paborito namin candy noon (kaya naiblog ko ngayon ang topic na ito); ito yun kulay pula na candy pag kinain mo e pupula ang dila at labi mo sa sobrang food coloring nito hehehe

kendi mint- kulay berde yun wrapper nito, kulay white naman yun candy at syempre mint ang lasa may palaman na chocolate sa loob

vi-va- kulay orange brown ang wrapper nito at lasang kape ang candy na to (salamat kay mamu na friend ko at pinaalala nya ito)

Peter's ball- bilog na candy kulay orange, kung saan ako nabilaukan at muntik ng di makahinga noong kumain ako niyan habang nakahiga hehehe, kaya hindi ko dapat malimutan ang pangalan ng candy na yan hehehe, tawag naman dito Peter ball lang, moral lesson: wag matutulog o humiga kapag may candy pa ang bibig lol

vicks candy- candy na lasang vicks hehehe, hugis tatsulok o triangle nabibili ng tingi o isa-isa

storck- kulay green ang wrapper na menthol candy, di pa uso noon ang maxx na candy, eto ang sikat noon kahit na ang chismis ay nakakabaog daw ito hehehe, chismis lang naman ng mga bata yan ha, gusto nyo bang malaman kung bakit?? hehehe

chiclets- chicletin mo baby! naalala ko yan commercial tag line na yan hehehe, chewing gum na sikat noon hanggang ngayon

juicy fruit- ang prutas na walang buto hehehe chewing gum na di ko alam kung paano naging prutas?

double mint- kamag-anak ng juicy fruit, kulay berde ang wrapper

texas- matigas na bubble gum, sakit sa ngipin pag kagat mo pero gusto ko pa rin, pag nangata mo na medyo may buo-buo pa ito, at pag wala na yun buo-buo nito that means wala ng lasa ito, tama ba ako?

bazooka joe- bubble gum na nakakabulon sa laki, pero malasa at matamis, nagkokolek ako noon ng comic strips nito kasi kada isa nito ay may nakasingit na comic strip, hindi ko naman mabuo ang comic strips na yun, kelangan mo pang bumili ng marami at makapagpalobo ng sangkatutak para matapos mo ang istorya

cloud 9- syempre ang pinoy version ng snickers, mala-nougat ang dating na may mani at caramel, dito raw pinaglihi ang pamangkin ng asawa ko kaya ang kulay ng balat nito ay parang cloud9, may patse-patse na dark brown, medyo brown at white pero hindi siya dalmatian ha, hehehe

big bang- chocolate na may pinipig, mas gusto ko ang chocolate na ito sa cloud9 kasi mas paborito ko ang pinipig kumpara sa mani, tinitigyawat kasi ako sa mani....ayyy sa mukha pala hahaha

serg's- milk chocolate bar, meron pa ba nito?

goya- hugis kabaong ang chocolate na ito, ang dami na palang klase ng goya chocolate ngayon kaya di ko alam ang pangalan ng chocolate nila na ito dati, basta ang alam ko pag may bumibili sa min, sinasabi lang na "pabili ng goya"

curly tops- curly kasi yun gilid nito at hinulma ito sa pangkaraniwang hugis ng muffin pero syempre maliit na version lang pero may kasamang papel pa ito noon kapag binibili kaya pwedeng tingi ang tinda, medyo may kamahalan na ang chocolate na ito noong bata ako kaya hindi ako pwedeng kumain ng marami nito hehehe

flat tops- flat kasi ang top kaya flat tops hehehe, hugis bilog at kulay orange ang wrapper at ang nakalagay na marka sa top nito ay "Ricoa" yun kasi ang manufacturer nito

choco mallows- marshmallow na binalutan ng chocolate, minsan nauubos ko ang tinda namin na to kaya nagagalit ang Nanay ko, lugi raw kami sa chocolate na yan hehehe, kaya tinigil na namin magtinda mula nang maadik ako dyan

choco crunchies- kamag-anak ni choco mallows ito kasi isa lang ang may gawa, ang Fibisco hanggang ngayon paborito ko pa rin ito, crunchy kasi talaga ang biskwit nito sa loob, nabebenta ng tingi ito noon ewan ko lang ngayon, mahal na rin ito noon kaya dumidekwat ako nito sa tindahan namin pag hindi nakatingin ang Tatay ko hehehe


belekoy- makunat na parang nougat sabi ng iba lasang Instik daw, tanong ko naman, "bakit nalalasahan ba ang Intsik?" hehehe at pag tinitinda namin wala na siyang balot kulay brown siya, meron pa kaya nitong nabibili na tingi sa tindahan?

ampaw- eto yun kanin na nilagyan ng brown sugar (hindi asukal na pula ha, brown siya as in brown hehehe), popped rice tawag sa ingles

matamis na sampalok na nakapalibot sa laruan na kutsara at tinidor (pero walang buto)- singko yata isa ang candy na ito, nabibili ng tingi, kailangan mo munang kainin ang sampalok bago mo makuha ang libreng laruan na kutsara o tinidor, at kapag marami na meron ka ng koleksyon na laruan na kutsara't tinidor (eto lang ang mga laruan ko noon e wala akong manika)

yema- nakabalot sa matingkad na kulay pula o yellow na papel na cellophane at hugis pyramid, matamis na lasang kondensada na gatas; yun wrapper nito nilalagay namin sa bibig namin, wala lang hehehe dumidikit kasi pag nabasa lol

macapuno balls- sarap nito napapalibutang asukal na lasang macapuno kahit wala akong makain na macapuno ayos lang

bukayo- minatamis na shredded na niyog

sampaloc candy- minatamis na sampalok, asukal at asin ang una mong matitikman bago ka magiging busy sa pagtanggal ng buto sa bibig mo hehehe at yun buto pwede ng gamitin sa larong sungka hehehe


sundot kulangot- ang walang kamatayang paborito kong candy hehehe, arnibal lang ito na nilgay sa maliit na kawayan at sinusundot mo ito ng stick para makain mo, mabantot ang pangalan pero masarap! miss ko na ito...nabibili lang namin ito sa labas ng school namin...meron pa kaya ito ngayon? gusto ko uling matikman ito at kokodakan ko hehehe

Ano ang tawag o pangalan ng mga ito?:

hugis bilog na kulay red brown na kapag naglalaro kami ay ginagawa namin ostiya, lasang Intsik din daw sabi ng iba, sabi ko naman, "mabuti pa sila nalasahan na ang Intsik, ako hindi pa" hehehe

apa o barquillos na hugis cylinder na may pulboron sa loob- bago mo kainin dapat mong higupin ang pulboron sa loob, ginagawa naming sigarilyo pag naglalaro kami hehehe, pero iwasan lang mabasa ng laway kasi kukunat ito hahaha

hugis bote ng gatas ng bata- susupsupin mo ito para makain para kang dumedede rin hehehe at ang laman ng loob ay powdered milk

chocolate na hugis itlog, ano na nga ang tawag sa chocolate na to??

Pasensiya na, walang sagot kasi hindi ko talaga alam ang tawag sa mga yan, kaya ako nagtatanong no.

PAHABOL: Sayang wala akong pictures ng lahat ng mga peborit ko na yan, parang gusto kong umuwi ng Pilipinas at hanapin ang mga ito at kokodakan ko silang lahat hehehe

ISA PANG TANONG: Bakit noon, hindi ko alam na nakaka hyper pala ang kumain ng candy at tsokolate? Kayo, alam nyo ba? Nang dumating lang ako sa US saka naging big deal ang pagkain ng candy at chocolates sa mga bata.

16 comments:

  1. jacqueline ebio guarinSeptember 6, 2011 at 9:06 AM

    Namiss ko tuloy ang kabataan ko, at lahat ng kending ito ay paborito ko rin noon. natakam tuloy ako habang binabasa ko ito. Iba ka talaga!

    ReplyDelete
  2. Kakatuwa naman! bigla kong naalala ang kabataan ko habang binabasa ko. Sarap maging bata uli...sa panahon ngayon parang deprived na ang mga anak ko sa ganitong experience. Thanks Alice! you reminded me of my good childhood memories...keep it up!

    ReplyDelete
  3. Divine Grace Buenviaje-CondesSeptember 6, 2011 at 11:33 AM

    Nice blog, klasmeyt! Halos lahat ng binanggit mo natikman ko na rin. Kaya nga nasira ang mga ngipin ko e. Hehehehe. Pero iba talaga tayo nuon. Super saya! Kaya nga twing nagkikita tayo hindi tayo magkamayaw sa kuentuhan.

    ReplyDelete
  4. bigla naman ako nagutom sa mga binanggit mo! most of them naalala ko pa. peyborit ko halos lahat lalo na ang bazooka joe, palakihan kami palagi ng bubble tapos puputukin! hahaha! last year nakabili kami ng sundot kulangot sa baguio (haha! sosyal!) pero di ko nakodakan eh! yung parang ostya ng intsik, "haw" ang tawag. meron nun sa sm nakakabili pa ko. paborito ko din yun eh! hahaha! ang mga kendi ng nakaraan, walang panama yung mga bago ngayon! :D

    ReplyDelete
  5. Jacqueline- salamat sa dalaw, korek ka nakakatakam nga ang post ko kasi nun ginagawa ko ito e naglalaway na ako hehehe

    Anonymous (Jacqueline B?)- salamat sa comment, ganun yata pag tumatanda masarap alalahanin ang childhood days natin na hindi na natin pwedeng balikan

    Divine- thanks klasmeyt, yes iba talaga ang generation natin noon compared ngayon, mas sosyal na candy ngayon at chocolates hehehe

    syel- oo nga palkihan ng bubble pag bazooka joe ang binili mo kasi mas malobo to kaya yata mas sumikat ito kesa sa Texas hehehe....sayang naman at di mo nakodak yun sundot kulangot, next time na uwi ko hahanapin ko rin yan at papatikim ko sa mga anak ko hehehe

    ReplyDelete
  6. syel- ay salamat pala sa sagot mo na "haw" na ostya na candy, yun pala ang tawag dun, grabe Intsik na Instik talaga ang name hehehe

    ReplyDelete
  7. hahaha, katuwa lang ung sundot kulangot, ilalagay pa sa kawayan para lang sungkitin uli lolz pero masarap yan ah, sa baguio ko natikman yan eh :)

    ReplyDelete
  8. LOL! Alang hiya, Sardz. Paswit ang pangtawag sayo ng nanay mo. >: D

    Natikman ko ang karamihan sa sinabi mo, pero ang palaging nasa bunganga ko mula nung hischool hanggang ngayon ay "Halls". Palagi kasi akong nag lalaway at para maibsan ang paninigarilyo.

    ReplyDelete
  9. CM- korek ka dyan, pina hihirapan pa ang bata para sungkutin yun arnibal na yun pero nandun kasi yun thrill e hehehe, yun sumundot lol, dapat pala makapunta ng Baguio pag uwi ko para matikman ko uli ang sundot kulangot hehehe

    Blogus- oo paswit nga tawag sa kin, hehehe kahit malayo ako naririnig ko na yun sipol nya e, kabahan na ko pag may kasama nang buo ng pangalan ko hehehe, palo ang abot ko lol...yun halls nasa hall of fame na yan e hehehe kasi pag inuubo ako yan din ang gamit ko hanggang ngayon ;-)

    ReplyDelete
  10. tama, haw flakes yung parang hostiya!
    elementary ako ng mauso iyon. ang saya...

    di ko maalala iyong swiss cups; pangmayaman ba iyon? kasi kung oo, di ko nga alam. bukayo lang masaya na ako noong bata ako.. big time na kung may nips o haw flakes. haha...

    yung parang tsokolateng bilog na mala-butones, ano na nga ang pangalan? pinag-isip mo din ako sards. :) mas masarap kumain kaysa mag-isip, alam mo iyan! hehe...

    ReplyDelete
  11. docgelo- hostiya ba o ostiya? kasi kung hostiya malamang lumabas lang ang pagkakala_ating kapampangan ko _e_e_e, yun swiss cups pang mahirap lang yun no parang chocnut ang lasa pero bilog siya na flat

    di ko rin alam ang tawag sa tsokolateng bilog na sinasabi mo e hehehe

    ReplyDelete
  12. Susmaryosep magkasing edad nga talaga tayo..lahat ng binanggit mo eh paborito ko lalo na yung Bazooka Joe dahil may libreng komiks hehehe..nakakatuwang balikan ang ating kamusmusan.Teka may dalawang dagdag lang ako..yung tira-tira, choc-nut o chocobot

    ReplyDelete
  13. Hi Sards! Bigla kong naisip ang blog mo kaya heto naglaway sa usapang matatamis.
    chocolate na hugis itlog - Serg's EGGS, favorite ko ito. Nakakamiss ang mga tsokolate ng Serg's... nakakalungkot hindi na amoy tsokolate ang harap ng abandoned factory nito sa Cainta.
    Sa bubble gum mas gusto ko ang Tarzan, yung stripes ang wrapper. Masarap din yung Tootsie Roll, sa sobrang sarap yung aso namin ay pinangalanan naming Tootsie hehehe. But adik talaga ako sa Cloud 9, hindi ako nawawalan nito sa bag kahit noong nagtatrabaho na ako.

    Miss you Idol!

    ReplyDelete
  14. Bethca- salamat sa pagdalaw, I miss you too! Meron ka pa bang blog? kasi di na ako dumadalaw sa forum e. Naku naalala ko nga yang tarzan na yan hahaha teka yun Texas ba iba pa sa Tarzan? nalimutan ko na e, so serg's egg pala tawag dun sa korteng itlog hahaha, grabe super malilimutin na kasi ako e

    ReplyDelete
  15. Natawa ako sa posts and it really reminded me of my childhood! Tapos nabasa ko ang comment ni Dennis! OMG! Magkakaedad nga ba tau? Shut upppp! Early 30's k rin? Omoo ka! Omoo ka!

    (Para maalala mo ulit ang mga kinain mo noong kabataan natin, bilib n talaga ako sau).

    ReplyDelete
  16. Dennis- yes magkasing edad nga yata tayo mukha lang akong bata, batang isip hahaha

    Nebz- waaa speaking of edad, salamat sa compliment na early 30s lang ako hahaha, how I wish.....bukas birthday ko at last day ko na sa 30s ko lol

    ReplyDelete