Wednesday, December 21, 2011

HULA SCOOP: Ilan sa mga hiling mo ay matutupad na rin

Sale!! sale!!!

HULA:  Ilan sa mga hiling mo ay matutupad na rin huwag lang yun imposibleng mangyari....at hindi lahat, isa-isa lang.  Kaya wait ka pa rin sa ibang hiling mo.

SCOOP:  Dapat maging masaya ka na kung may natupad na sa ilan sa mga hiniling mo bagamat hindi lahat ang mahalaga, meron natupad, di ba? 

-------------------------------------------------------------------

Pag ganitong Disyembre na, abala na naman ang maraming tao. Nagkukumahog na naman sa pagbili ng mga regalo.  Maraming mga "sale" sa mall at dito sa US nagkalat sa mailbox namin ang mga flyers o brochures ng mga sale items at maraming mga kupon din na mga diskwento sa gusto mong bilhin.  Lalo na tuwing Biyernes, pagkatapos ng Thanksgiving Holiday (tuwing huling Huwebes ng Nobyembre ang Thanksgiving dito), na tinatawag nilang "Black Friday" dito nagtitiyaga ang mga tao na pumila ng madaling araw para lamang mabili ang gusto nilang bilhin na bagsak presyo, na karamihan ay mga electronics items at mga damit na pang regalo na nila sa Paskong darating.  

Isa na ako dati sa mga yan pero nagbagong buhay na ako ngayon hehehe. Dati rati mga alas singko palang nasa outlet o mall na ko, ngayon alas otso na medyo pa late effect na ko e hehehe, ayoko na kasing makipag siksikan sa mga tao tapos hindi mo rin pala mabibili ang gusto mo dahil ubos na. At isa pa, wala rin akong malaking budget para pambili ngayon hehehe (yun pala dahilan hahaha).  

Muli na naman bumalik sa alaala ko ang mga karanasan ko noong bata pa ako pag Pasko. Hindi kaya dahil sa ang Pasko ay para lamang sa mga bata? O di kaya ang Pasko lamang ay para sa mga mayayaman? O ang pasko ay negosyo lang? (sabi ng tatay ni Nonoy sa teleserye ng Ikaw ay Pag-ibig) o dahil sa hindi ko malilimutang karanasan pag Pasko ang syang nagpapanumbalik sa alaala ko?? Ang alam ko lang noong maliit pa ako, pag gabi ng December 24 nagsasabit ako ng medyas sa may bintana namin at wala kaming noche buena noon, hindi ko nga alam noon ang salitang noche buena dahil nga wala naman kaming pagkain, ang pagkakaalam ko noon, ito ay gabi ng pagsabit ng medyas hahaha.  Inaabangan ko pa si Santa Klaus nun, kala ko naman maaabutan ko kahit na nagtataka ako kungmakakapunta sya sa bahay namin na wala namang chimney hehehe.  At pag umaga na, sabik na sabik akong buksan ang medyas ko noon, tapos ang makukuha ko lang naman pala ay isang mansanas at dalandan at may konting kendi at konting barya (ang cheap ni Santa hehehe). Nagkukumpara kami ng mga pinsan ko ng laman ng medyas namin dahil yun isang pinsan ko mas marami syang nakukuhang kendi at chocolate kesa sa akin, kaya sa isip ko noon, may favoritism si Santa  na kapag mayaman mas maraming kendi ang binibigay niya (yun tatay kasi ng pinsan ko nasa Saudi kaya mas maraming laman ang medyas niya hehehe).  Wala akong natatanggap na regalo mula sa magulang ko noon, mula lang kay Santa, yun nga mansanas at dalandan hehehe ay minsan pala may kasamang chiko kaya ang bigat ng medyas ko noon kala ko maraming kendi puro prutas lang pala laman hehehe.

At pag pasko na, ang alam ko kumakain kami ng mga kakanin na niluto ng Nanay ko, kagaya ng biko, ube at kamoteng kahoy na suman pero parang mga tira lang yata yun mula sa order sa kanya hehehe. Umaga palang magbibihis na ako ng bago kong damit, (na malamang yun ang sinuot ko nun Christmas party namin sa school ) at pupunta na ako sa mga Ninong at Ninang ko na kapit bahay namin at mamamasko na ako at minsan pupunta kami ng mga pinsan ko sa isang lolo ko na mayaman na may isang dosenang sasakyan yata nila, bibigyan kami ng tig-sasampung piso nun (hmmm teka parang ang barat yata nila ah? lugi kami sa pamasahe hahaha), masaya naman kami, kasi sama-sama kaming nagpupunta.  Ganun ang pasko namin noon, kaya kung ang iba ay nagrereklamo na champorado lang ang noche buena nila, e masuwerte pa rin sila dahil kami natutulog na lang at nagangarap na sana kahit champorado meron hehehe.

Pero nang nagkatrabaho na ang mga kapatid ko may noche buena na rin kami, medyo umunlad na yata kami noon, mga high school na yata ako nang magkaroon na kami ng Noche Buena na matatawag, may pansit at menudo na kami at fruit salad, naks naman, may work na kasi si Kuya at Ate hehehe.  At may mga inaanak na ang Ate at Kuya ko na nagpupunta sa bahay namin at hindi na rin ako nagpupunta sa mga Ninong at Ninang ko (lugi yata ako ah sayang sana bata pa ako).

Ngayong nandito na ako sa US......ibang-iba na, masaya na ang puso ko na makapagpadala ng pera at balikbayan box sa mga kapatid ko at mga in-laws ko. At kapag may sale na ganito, ang nasa isip ko pa rin ay kung magkakasya ba sa box o kasya ba ang mga ito sa mga kapatid ko, Tatay ko, tiyahin, tiyuhin, hipag, bayaw o mga byenan ko.  

Hindi na ako nagdiriwang ng pasko, nagpapasalamat na lang kami sa Diyos sa lahat-lahat ng mga biyaya naming natanggap sa buong isang taon, hindi man natupad ang ilang kahilingan ko, nagpapasalamat pa rin ako dahil sa buhay at lakas na pagkalaoob sa akin para harapin ang taong 2012.......sa ganitong paraan mas masaya, mas maluwag sa puso hindi materyal kundi spiritual na pagdiriwang.  At kapag pasko, pupunta na lang kami sa bahay ng kaibigan namin at makikikain hehehe.  Ang mga anak ko, walang regalo at hindi rin naghahanap ng regalo dahil kahit hindi pasko ay nakukuha naman na nila ang gusto nila.  Para sa akin hindi lamang tuwing Pasko ang pagbibigayan, dapat araw-araw.  Ang mahalaga dapat nagpapasalamat tayo sa Diyos sa mga natatanggap nating mga biyaya maliit man o malaki at ibahagi natin ang kung anong meron tayo (naks, parang totoo, teka ako ba to?? hahaha). Pero....yan ang totoo!


-------------------------------------------------------------

HAPPY HOLIDAYS



White Christmas tree, gawa ng Tatay ko mula sa totoong sanga ng puno at nilagyan ng sabon at itinayo sa minola cooking oil na lata na nilagyan ng maraming bato sa loob hehehe



13 comments:

  1. Sardz, hindi lang buhay mo nung bata ka tuwing pasko ang kinekwento mo. Kinekwento mo ang buhay ng karamihan sa mga bata tuwing pasko. Kaya marami ang nakaka-ugnay.

    Maligayang pasko sayo at sa pamilya mo, sardz.

    ReplyDelete
  2. Tama si BlogusVox. Naka-relate ako sa kwento, lalo na kay Santa Claus! o",)

    May idadagdag ako sa Pasko mo Ms Sardonyx, kung noon sabon ang ginagamit ng tatay mo para kunwari may snow, ngayon totoong snow na ang nai-experience niyo tuwing Christmas!

    Happy Christmas to you and to your family!

    ReplyDelete
  3. blogus- ganun ba? marami palang nakakarelate sa kwento ko hehehe Happy Holidays!

    ReplyDelete
  4. RJ- oo nga totoong snow na ang naeexperience ko dito at totoong christmas tree na rin hindi yun plastic ang nakikita kong tinitinda dito kundi fresh at mas masarap ang simoy ng hangin amoy christmas tree talaga pag naamoy ko

    ReplyDelete
  5. sorry, ndi ko na muna binasa ung post mo. hehe. pero abt your picture. may ganyan din kami dati! haha. mga twigs nga lang at hindi na binalot. hehe. sa lata pa ata ng milk sinuksok eh. hihi.

    merry cristmas and a happy new year! mwah mwah tsup tsup!

    ReplyDelete
    Replies
    1. ganyan ka naman e, di ka na nagbabasa ng mga post ko hehehe, pero ok lang yan ang mahalaga e importante lol

      Delete
  6. sards, nangiti ako syempre sa unang bahagi ng post na ito lalo na nakaka-relate na ako ng kaunti kasi kakilala ko na ang mga titulo ng teleserye sa pinas (bukas pa ang flight namin back to malaysia--hay, tapos na bakasyon at work ulit sa lunes) anyway, nakakainis ka kasi halos maiyak ako sa last paragraph mo, tapos yung caption pa ng larawan... (roller coaster of emotion ang post na ito, o schiz na ako?)

    happy new year, sards! may we all have a healthier, happier and more God-focused 2012 and years beyond! God bless!

    ps:
    we spent our 3-week holiday here with tina's dad who came home too from missouri. ex-marines ang lolo mo sa pinas tapos kulay bughaw na ang pasaporte nya, kami chocolate pa din. haha! ininbitahan kami na pumunta doon, (para naman pagkamura-mura ng pamasahe at visa; may mga plano, pero let's see what HIS plans are)
    sana makapunta kami uli sa amerika, ha-huntingin kita at papauthograph, picture kami sa yo! :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Doc, maraming salamat sa pagbati, sensya na at di na ako nakadalaw sa blog ko hehehe, boring kasi e lol....

      sana nga makapasyal uli kayo dito sa US kaso naman malayo rin ang Missouri sa min...bakit chocolate lang ang pasalubong? hahaha sabiihin mo next time 70" LED- 3D na flat screen TV na no hehehe

      Delete
    2. 70" LED TV? di kaya maduling na ako noon sa kapapanood? hahaha! but why not.

      ps : busy ka ano?! walang bagong hula? hehe.
      ako bored na sa work di-ne. i want new one! (i hope the boss isn't reading this)...on a lighter note, naimbitahan ako ni mickey at minnie sa HK Disneyland (para iblog sila!) sama si gabby at tina. ang saya! lipad kami next weekend. :D

      Delete
  7. i can't even remember what we had for the many Christmases that passed when i was young. what i do remember very vividly is that time when we (together with my clannish father) went to visit a relative. sa sobrang kaignorantehan ko, kinain ko pati ang wrapper ng lumpiang sariwa ha ha ha at ang palagi kong natatandaan me pansit at manok twing pasko kaya excited ako.

    ReplyDelete
    Replies
    1. bing- alam ko kinakain naman yun lumpia wrapper e, baka naman ibang klaseng wrapper yun ginamit nila kaya matigas hehehe...dapat crepe para malambot hehehe

      Delete
    2. Sardz, bakit ganun? Updated ang blog mo (February) sa blog role ko, pero itong post mo (December) pa rin ang nakikita ko.

      Delete
  8. those were the days kapag pasko! :) daming memories, ako medyo di ko na maalala. haha! pero ang masaya every Christmas kasama ko family ko. miss you Sardz! :)

    ReplyDelete