Friday, August 22, 2014

HULA SCOOP: Hindi Mo Malilimutan Ang Mga Nakaraan Sa Iyong Buhay

Bangui Windmills,  Ilocos 


HULA:  Hindi mo malilimutan ang mga nakaraan sa'yong buhay na naging daan para maging ano ka ngayon, kung anuman ang nagpabago sa'yo, sige lang, push mo yan.

SCOOP:  Gaano man katagal na kong di nakapanghula, hindi ko pa rin malilimutan ang blog ko.  Ito ang naging daan para maging abala ako sa aking pag-iisa at ito ang humubog sa akin kung ano ako ngayon.

---------------------------------------------------

Halos dalawang taon din akong di nakapang hula kaya di ko na rin na update ang blog ko na to.  Nasira kasi ang radar ko e hehehe.  Ngayon medyo naayos ko na at mukhang pagsusumikapan kong makapag post ako ng regular.  I wish hehehe......

Ano nga bang nangyari sa akin sa dalawang taon na nawala ako dito at ano ang mga natutunan ko?  "Madlang people" ready na ba kayo? (Feeling nasa Showtime ako a hahaha)

1.  Natuto akong tumutok sa mga teleserye, walang patlang talaga, dati rati napapalampas ko pa ang iba, ngayon hindi na, lahat talaga hehehe.  Nandyan nagalit ako kay Nicole nang "Legal Wife,"
at nanggigil kay Franco ng "Ikaw Lamang" at hanggang ngayon nanggigigil pa rin ako,  kung pwede lang ipabaon na rin ng buhay yang si Franco na yan.  Kahit ang babaeng puro buhok (Moon of Desire) ay nasundan ko rin ang kanyang buhay, kahit si Dyesebel na may buntot at si Galema na may ahas.

2.  Magdadalawang taon na kong nawala, noon na adik ako sa Be Careful With My Heart  at ngayon......hanggang ngayon hindi pa rin tapos ang teleserye na yan,  ako na ang sumusuko na panoorin ito e, OMG, nagagalit na ko, as in GRRR hehehe.  Parang awa nyo na, tapusin nyo na! hehehe

3.  Noong isang taon, August ginawa ako ng anak ko na "batang lola" kahit ayaw ko wala naman akong magawa.  Iba pala ang pakiramdam na isa na akong lola sa edad na 41.  Hayyy sabi nga sa kanta ni Jugs, "ayokong tumanda....ayokong tumanda" hehehe.

4. Nakadalawng uwi na rin ako sa Pilipinas, kahit na walang sapat na pera ay nagpapasalamat pa rin ako na nakauwi ako at nasilayan ang aking mga kapatid at ama.  Tumatanda na ang Tatay ko kaya kahit walang pera pinipilit pa rin namin makauwi para habang malalakas pa ang Tatay ko at mga magulang ng asawa ko ay naipadama namin sa kanila ang aming pagmamahal, naks.  Mas mahirap tanggapin, na uuwi lang kami kung wala naman na sila, di ba?

5.  Noong umuwi kami ng June,  isang kakaibang karanasan ang namalas namin sa aming Ilocos Tour.  Nakapag sandboarding ako (plakda! hehehe) at napuntahan namin ang Bangui Windmills, Kapurpurawan Rock Formation, Paoay Church, Marcos Museum at Pagudpud Beach.  Masaya dahil isang bus kami, buong pamilya, sama-sama.

6.  Sa panonood ko ng TFC o ang The Filipino Channel ay hindi na ako nahuhuli sa mga bagong salita ngayon sa Pilipinas o ang mga slang words o kahit gay lingo pa yan, naks naman.  "Wasto na You!" ang sabi nga nina Amy Perez at Rodrick Paulate sa Singing Bee.  "Boom Panes" (Show Time at Gandang Gabi Vice) na sa kin ang mga slang nila,  nakakasabay na ko, kerri lang hahaha (Pure Love).
7. Na adik na rin ako sa instagram at nawalan ako ng gana na mag twitter na, mas gusto ko kasing magpost ng pictures kaysa mag twitt, e wala rin kasi akong friends na sumasagot sa mga twitts ko hehehe.  Kahit tumatanda na, eto panay ang hash tag pa rin as in "#".  At pa throwback- throwback pics na lang ang "peg"  hehehe.   Marami rin na kong pina follow na mga artista since konti ang mga friends ko na kasing edad ko na nahilig sa instagram.  At masuwerte ako na sinagot ako ni Kris Aquino at Pokwang sa mga comments ko, big achievements ko na yan, hahaha.  Balak ko ngang ipa frame yun screen shot ng reply nila e, lol.   "Para-paraan" lang yan hehehe.

8.  Medyo kumapal n rin ang mukha ko dahil,  pinilit ako ng mga anak ko na mag "ice bucket challenge" kahit ang huling sagot ko ay "never akong mag ice bucket challenge" heheheh, nahiya kasi ako kina George Bush, Oprah Winfrey, kay Mark Zuckerberg ng facebook at Larry Page ng Google (baka idelete pa ang blog ko e hahaha) na sila mismo gumawa ng challenge.  So "go" na rin ako.

9.  Nalaman ko rin na uso na ngayon na tawagin ang nakakatanda na "Ate" at "Kuya" dati rati, Tita o Tito o kaya "Aling" o "Mang, "Manang" o "Manong" at lagi nilang sinasabi na "Push mo yan 'te" at parang may kanta pa yata yan ;-) Parang nakakapagpa bata ang dating kasi Ate lang tawag nila sa kin, pero di ko pa rin tanggap na Ate na nila ko, feeling ko kasing age ko lang kasi sila e, mid life crisis na ba to?? huhuhu

10.  Na adik rin ako sa pag gawa ng mga loom band, dati hindi ko alam kung ano o sino yang loom band na yan,  hmmm napa isip nga ako kung sino yun soloista nila at bakit sikat, ay napahiya ako, akala ko kasi naman banda talaga no, hehehe rubber bands pala.

Nawa'y nadulutan ko kayo ng munting ngiti sa inyong mga labi.  Hanggang sa muli.

PAHABOL:

At eto pa,  bakit dumadami ang bakla ngayon?  Hindi naman sila nanganganak? hehehe sana lang sa mga susunod na henerasyon ay hindi natin malimutan ang sarili nating wika at huwag mapalitan ng wika ng mga bakla, hehehe.  "Havey" o "Waley?"












Thursday, November 15, 2012

HULASCOOP: Mapapadalas ang tanong mo sa sarili


Pwedeng paki "pick-up" nyo ko sa baba? hehehe ...kuha ko nang nag zipline ako sa Palawan


HULA: Mapapadalas ang tanong mo sa sarili tungkol sa mga bagay-bagay at buhay-buhay pero kalimitan wala rin sagot..... kung anuman yun, tanungin mo na lang uli ang sarili mo o kaya magtanong ka na lang sa iba.

SCOOP: May mga katanungan ba kayo lagi na minsan inihahalimbawa mo na lang sa mga bagay na nakapaligid sa inyo para lang masagot mo ang tanong mo? O kaya para mapasagot mo ang tinatanong mo? o para mapahanga mo ang tinatanong mo? teka sino ba tinatanong mo? ang labo no??  di bale lilinaw din yan.

--------------------------------------------------------------

Nauso na naman sa panahon ngayon ang mahilig magtanong, ewan ko ba kung bobo ba sila o nagmamayabang lang kasi alam naman nila sagot.....alam na ninyo siguro ang tinutukoy ko ang sikat na sikat sa tv at sa text, ang pick-up lines ng Pinoy! hehehe narito ang mga nakalap kong mga pick-up lines na nagpaangat sa akin ng labi at nakitaan ako ng...... ngipin dahil sa ....ngiti hehehe:

PICK-UP LINES ng PINOY (pick-up nga ba? hehehe)

1. Mangga ka ba? Bakit?
- Mukha ka kasing kalabaw

2. Refrigerator ka ba? Bakit?
Kasi nagyeyelo ang ngipin mo

3. Si Sponge Bob ka ba? Bakit?
Kasi butas-butas mukha mo

4. Bola ka ba ng soccer? Bakit?
Kasi gusto kitang sipain e

5. Utot ka ba? Bakit?
Tahimik ka pero ang lakas ng dating

6. Tae ka ba? Bakit?
Kasi di kita kayang paglaruan

7. Aswang ka ba? Bakit?
Kasi sa lahat ng laman loob na dinukot mo, puso ko pa

8. Cactus ka ba? Bakit?
Kasi handa akong masaktan mayakap lang kita

9. Trumpo ka ba? Bakit?
Sarap mo kasing ihagis sa sahig

10. Kutsara ka ba? Bakit?
Kasi napapanganga ako sa tuwing lumalapit ka

11. Puno ka ba? Bakit?
Kasi inuugat ka na e

12. Pogi ka ba? Bakit?
Kasi hindi halata

13. Pangit ka ba? Bakit?
Tinanong mo pa

14. Google ka ba? Bakit?
Kasi lahat ng hinahanap ko na sayo na

15. Multo ka ba? Bakit?
Kasi sa'yo lang ako takot

16. Libro ka ba? Bakit?
Kasi ang kapal mo e

17. Bobo ka ba? Bakit?
Di mo kasi ako masagot

18. Tanga ka ba? Bakit?
Pareho na tayo

19. Eroplano ka ba? Bakit?
Lagi kang lumilipad sa isip ko at lumalanding sa puso ko

20. Pinoy ka ba? Bakit?
Pinoy ka nga




Tuesday, September 18, 2012

HULA SCOOP: Kakayanin mo ang lahat ng mga problemang darating sa buhay mo



HULA:  Kakayanin mo ang lahat ng mga problemang darating sa buhay mo, huwag ka lang mawalan ng pag-asa.  Hangga't may San Miguel beer...walang katapat....ang anumang problema! este commercial pala hehehe

SCOOP: Gaano man kalaki ang isang bagay, pwede mong paliitin at ang isang bagay na maliit pwede mo rin palakihin....basta huwag ka lang maglalasing, hindi tama yan! Ang camera nalilinlang tayo pero ang beer hindi kailanman magpapalinlang sa'yo!  Ang problema hindi nawawala sa paglagok ng mapait na yan...pag gising mo mapait pa rin ang buhay na haharap sa'yo.

-----------------------------------------------------

Yan ang Tatay ko! Hindi nagpapatalo sa beer, kita nyo hirap na hirap itulak ang beer, gaano pa kalaki ang bote na yan hehehe

Teka natatandaan nyo ba ang meaning ng "San Miguel Pale Pilsen?" Tanda ko noong bata pa ako may meaning talaga yan e....eto ang pagkakaalala ko:

Sa
Aming
Nayon

May
Isang
Guwapo
Umuwi
Eh
Lasing

eto pa:

Sa
Aming
Nayon

May
Isang
Ginoo
Umuwi
Eh
Lasing

Pati
Ako
Lasing
Eh

Pati
Ikaw
Lasing,
Sige
E-numan
Na!!!

Pasensiya na at lagi akong tindera sa tindahan namin noon e hahaha

Teka e paano kaya ang bagong version ngayon? Try ko nga:

Sa
Aming
Nice haus

May
Isang
Gay
Umuwi
Eh
Lasing

Pati
Atetch
Lashing
E

Pa-girl
Itetch
Lasing!
Simeon? (sino yun?) hayyy
E-numan
Na nga!

hehehe, gets nyo??





Sunday, February 19, 2012

HULA SCOOP: Masayang masaya ka sa mga nangyayari sa'yo ngayon

Manneken Pis, Brussels Belgium

----------------------------------------------------

HULA:  Masayang masaya ka sa mga nangyayari sa'yo ngayon, hinay-hinay lang na pabigla dahil baka mawala ang mga yan.

SCOOP:  Kapag ganitong masayang-masaya ka minsan nalilito ka sa mga nangyayari na sa'yo, nandiyan na gusto mong sampalin ang sarili mo para sagutin mo rin ang sarili mo na, "aray masakit pala, ay totoo na talaga ito."  Ang dapat lang, tanggapin mo na kaagad kung anuman yan, baka mawala pang parang bula. Walang pinag-iba yan sa larawan na nasa itaas, dapat huwag mong pakakawalan kung anong meron ka, kaya kahit kumakain ka pa, huwag pakakawalan ang maaaring lumipad hahaha.

----------------------------------------------------------------


Maraming nagtataka kung bakit ang tagal kong walang blog, halos dalawang buwan, ako nga rin nagtaka e hehehe (kayo pa lol).  Noong November kasi nakatanggap ako ng notice mula sa ESD o Employment Security Department na malapit nang matapos ang pagtanggap ko ng "unemployment pay" ko dahil sa wala ng budget, maaari raw na hanggang Dec.31 na lang kung hindi maaprubahan ng kongreso ang extension. 

Hindi ninyo naitatanong, may nakukuha akong unemployment pay mula nang lumipat ako dito sa Washington mula sa Japan dahil sa ako ay asawa ng military at nakapagtrabaho sa Federal government. Sa madaling salita (dami ko kasing intro) naaprubahan ako na makatanggap ng higit  2000 dollars kada isang buwan. Malaki rin kung tutuusin (mas malaki pa nga ang sweldo ko kumpara sa mga taong nagtatrabaho sa mga fast food chain na tulad ng McDonald's, Burger King, etc) kesa wala akong sweldong nakukuha (lalo na kung nasa Pilipinas ako malamang wala akong sweldo hehehe).  Pero kung wala na akong matatanggap mas malaking problema sa kin, paano ko na matutustusan ang mga kapatid at tatay ko sa Pilipinas?  Paano na ang pinapag-aral naming anak na nasa kolehiyo na?  Kakayanin na walang extra, pero maghihigpit kami ng sinturon at malamang hindi kami makauwi sa Pilipinas.  Maraming agam-agam ang tila gumulo sa isipan ko para mahimasmasan na dapat  na talaga akong makakuha ng trabaho. Pero halos isang taon at kalahati na rin akong di makakuha ng trabaho, maraming na lay-off at ang Washington ang isa sa pinakamaraming military ang nagreretiro kaya mahigpit ang ka-kumpetensiya ko, sila ang priority mga Veterans. Kaya mula December puspusan ang aking paghahanap ng trabaho kahit gaano pa kalayo ang lugar ng trabaho sige apply na rin ako.  Kada linggo kailangan kasing may ireport ako na nag-aapply ako ng trabaho kaya abalang abala ako sa paghahanap.

Awa ng Diyos, natanggap din! Talagang laking pasasalamat ko sa Diyos, siksik liglig ang mga biyayang pinagkakaloob Niya sa amin sa taong 2012 na ito, wala na akong maihihiling pa sa Kanya. Nakatanggap ako ng tawag na mag-uumpisa na raw ako sa Feb. 6 nagbunga rin ang paghihirap ko sa mga tests na binigay sa akin hehehe, bukod sa EE test may drug at background test pa kasi e hehehe. Mga Jan. 30, tumawag uli sila at sinasabing magrereport na raw ako ng Feb. 3, Friday para kunin ko ang laptop at cellphone ko dahil Feb. 4 daw lilipad ako papuntang Belgium (ngek!) dahil mag-iistart ang training ko Feb. 6 sa Belgium. WOW.....teka-teka hinay hinay muna.....di ako makahinga hehehe, nabigla ako Belgium!! Pero nakangatog ng tuhod yun tatlong linggo raw ang training ko. Hindi training ang inintindi ko kundi yun tatlong linggo na mawawalay sa pamilya ko, waaaa di ko yata kaya yun huhuhu (paano sila kakain?? sino mag-aalaga sa bunso ko??? ang daming tanong)....pero nahimasmasan din ako, eto yung hiniling ko sa Diyos na magkaroon ako ng trabaho at eto na nga dumating na sa harapan ko tatanggihan ko pa ba?? Tapos sinong aayaw na mapunta sa Europe??? di ba??? Ayun, zoom!! hehehe, bilis!

Kaya eto ako ngayon, nakakapagsulat na sa blog, dahil sa lungkot na bumabalot sa akin ngayon, malayo sa pamilya.  Isang linggo pa at babalik na rin ako, malapit na yun alang-alang sa pamilya ko kakayanin ko ito.

PS: Ang layo pala ng trabaho ko sa bahay namin ay 82km (~51miles) at isang araw palang akong pumasok sa Seattle inabot ako ng isang oras at kalahati sa pagmamaneho at paguwi ko inabot ako ng dalawang oras.....kaya good luck sa pagdadrive ko pagbalik ko ng Washington hehehe, kelangan ko ng suporta ninyo hahaha.

Eto pala ang ibang mga pictures ko sa Belgium, click nyo na lang Belgium


eto ako, naks

Wednesday, December 21, 2011

HULA SCOOP: Ilan sa mga hiling mo ay matutupad na rin

Sale!! sale!!!

HULA:  Ilan sa mga hiling mo ay matutupad na rin huwag lang yun imposibleng mangyari....at hindi lahat, isa-isa lang.  Kaya wait ka pa rin sa ibang hiling mo.

SCOOP:  Dapat maging masaya ka na kung may natupad na sa ilan sa mga hiniling mo bagamat hindi lahat ang mahalaga, meron natupad, di ba? 

-------------------------------------------------------------------

Pag ganitong Disyembre na, abala na naman ang maraming tao. Nagkukumahog na naman sa pagbili ng mga regalo.  Maraming mga "sale" sa mall at dito sa US nagkalat sa mailbox namin ang mga flyers o brochures ng mga sale items at maraming mga kupon din na mga diskwento sa gusto mong bilhin.  Lalo na tuwing Biyernes, pagkatapos ng Thanksgiving Holiday (tuwing huling Huwebes ng Nobyembre ang Thanksgiving dito), na tinatawag nilang "Black Friday" dito nagtitiyaga ang mga tao na pumila ng madaling araw para lamang mabili ang gusto nilang bilhin na bagsak presyo, na karamihan ay mga electronics items at mga damit na pang regalo na nila sa Paskong darating.  

Isa na ako dati sa mga yan pero nagbagong buhay na ako ngayon hehehe. Dati rati mga alas singko palang nasa outlet o mall na ko, ngayon alas otso na medyo pa late effect na ko e hehehe, ayoko na kasing makipag siksikan sa mga tao tapos hindi mo rin pala mabibili ang gusto mo dahil ubos na. At isa pa, wala rin akong malaking budget para pambili ngayon hehehe (yun pala dahilan hahaha).  

Muli na naman bumalik sa alaala ko ang mga karanasan ko noong bata pa ako pag Pasko. Hindi kaya dahil sa ang Pasko ay para lamang sa mga bata? O di kaya ang Pasko lamang ay para sa mga mayayaman? O ang pasko ay negosyo lang? (sabi ng tatay ni Nonoy sa teleserye ng Ikaw ay Pag-ibig) o dahil sa hindi ko malilimutang karanasan pag Pasko ang syang nagpapanumbalik sa alaala ko?? Ang alam ko lang noong maliit pa ako, pag gabi ng December 24 nagsasabit ako ng medyas sa may bintana namin at wala kaming noche buena noon, hindi ko nga alam noon ang salitang noche buena dahil nga wala naman kaming pagkain, ang pagkakaalam ko noon, ito ay gabi ng pagsabit ng medyas hahaha.  Inaabangan ko pa si Santa Klaus nun, kala ko naman maaabutan ko kahit na nagtataka ako kungmakakapunta sya sa bahay namin na wala namang chimney hehehe.  At pag umaga na, sabik na sabik akong buksan ang medyas ko noon, tapos ang makukuha ko lang naman pala ay isang mansanas at dalandan at may konting kendi at konting barya (ang cheap ni Santa hehehe). Nagkukumpara kami ng mga pinsan ko ng laman ng medyas namin dahil yun isang pinsan ko mas marami syang nakukuhang kendi at chocolate kesa sa akin, kaya sa isip ko noon, may favoritism si Santa  na kapag mayaman mas maraming kendi ang binibigay niya (yun tatay kasi ng pinsan ko nasa Saudi kaya mas maraming laman ang medyas niya hehehe).  Wala akong natatanggap na regalo mula sa magulang ko noon, mula lang kay Santa, yun nga mansanas at dalandan hehehe ay minsan pala may kasamang chiko kaya ang bigat ng medyas ko noon kala ko maraming kendi puro prutas lang pala laman hehehe.

At pag pasko na, ang alam ko kumakain kami ng mga kakanin na niluto ng Nanay ko, kagaya ng biko, ube at kamoteng kahoy na suman pero parang mga tira lang yata yun mula sa order sa kanya hehehe. Umaga palang magbibihis na ako ng bago kong damit, (na malamang yun ang sinuot ko nun Christmas party namin sa school ) at pupunta na ako sa mga Ninong at Ninang ko na kapit bahay namin at mamamasko na ako at minsan pupunta kami ng mga pinsan ko sa isang lolo ko na mayaman na may isang dosenang sasakyan yata nila, bibigyan kami ng tig-sasampung piso nun (hmmm teka parang ang barat yata nila ah? lugi kami sa pamasahe hahaha), masaya naman kami, kasi sama-sama kaming nagpupunta.  Ganun ang pasko namin noon, kaya kung ang iba ay nagrereklamo na champorado lang ang noche buena nila, e masuwerte pa rin sila dahil kami natutulog na lang at nagangarap na sana kahit champorado meron hehehe.

Pero nang nagkatrabaho na ang mga kapatid ko may noche buena na rin kami, medyo umunlad na yata kami noon, mga high school na yata ako nang magkaroon na kami ng Noche Buena na matatawag, may pansit at menudo na kami at fruit salad, naks naman, may work na kasi si Kuya at Ate hehehe.  At may mga inaanak na ang Ate at Kuya ko na nagpupunta sa bahay namin at hindi na rin ako nagpupunta sa mga Ninong at Ninang ko (lugi yata ako ah sayang sana bata pa ako).

Ngayong nandito na ako sa US......ibang-iba na, masaya na ang puso ko na makapagpadala ng pera at balikbayan box sa mga kapatid ko at mga in-laws ko. At kapag may sale na ganito, ang nasa isip ko pa rin ay kung magkakasya ba sa box o kasya ba ang mga ito sa mga kapatid ko, Tatay ko, tiyahin, tiyuhin, hipag, bayaw o mga byenan ko.  

Hindi na ako nagdiriwang ng pasko, nagpapasalamat na lang kami sa Diyos sa lahat-lahat ng mga biyaya naming natanggap sa buong isang taon, hindi man natupad ang ilang kahilingan ko, nagpapasalamat pa rin ako dahil sa buhay at lakas na pagkalaoob sa akin para harapin ang taong 2012.......sa ganitong paraan mas masaya, mas maluwag sa puso hindi materyal kundi spiritual na pagdiriwang.  At kapag pasko, pupunta na lang kami sa bahay ng kaibigan namin at makikikain hehehe.  Ang mga anak ko, walang regalo at hindi rin naghahanap ng regalo dahil kahit hindi pasko ay nakukuha naman na nila ang gusto nila.  Para sa akin hindi lamang tuwing Pasko ang pagbibigayan, dapat araw-araw.  Ang mahalaga dapat nagpapasalamat tayo sa Diyos sa mga natatanggap nating mga biyaya maliit man o malaki at ibahagi natin ang kung anong meron tayo (naks, parang totoo, teka ako ba to?? hahaha). Pero....yan ang totoo!


-------------------------------------------------------------

HAPPY HOLIDAYS



White Christmas tree, gawa ng Tatay ko mula sa totoong sanga ng puno at nilagyan ng sabon at itinayo sa minola cooking oil na lata na nilagyan ng maraming bato sa loob hehehe



Thursday, December 1, 2011

HULA SCOOP: Magkakaroon Na Ng Linaw ang Lahat ng Malabo Sa'yo

Ang El Fili


HULA: Magkakaroon na ng linaw ang lahat ng malabo sa'yo.
SCOOP: May mga malabo ba sa isipan nyo na kailanman ay di nabigyan ng linaw? Kung ako ang tatanungin, oo, marami, sa sobrang kalabuan hindi ko na mabilang pa hehehe.  Sa panahon ngayon, mas madali nang masagot ang mga katanungan natin, mapa kasaysayan, showbiz, mga balita ngayon, jokes, dictionary, encyclopedia, medisina, media, kultura, atbp.

-------------------------------------


May mga pagkakataon na sasagi na lang sa isipan ko ang mga katanungan na hindi ko nabigyan ng kasagutan noon, pero sa araw-araw ng aking pamumuhay ang mga katangungan na yun ay unti-unti ring nasasagot, hindi ko lang alam kung saan-saan ko ito pinagpupulot.

Natatandaan ko noong 4th year high school pa ako, ayaw na ayaw kong basahin ang El Filibusterismo ni Dr. Rizal, nakakatamad basahin ang mga malalalim na salita at mga kahulugan ng bawat karakter sa nobela na yun. Isang beses nga e napatayo pa ako ng guro ko dahil hindi ako nakapagbasa ng isang kabanata na sya namin paksa sa araw na yun. Nang ako ang tawagin, ayun wala akong masagot, malas ko ang "tigre" naming guro nagpapatayo talaga kapag hindi nakasagot.  Ang nakakahiya pa, katabi ko pa ang manliligaw ko hahaha, buti na lang napatayo rin siya hehehe kaya ok lang, quits lang kami hehehe.  Hanggang ngayon di ko malilimutan ang guro ko na yun sa Pilipino dahil sa tanang buhay ko, sa kanyang klase lang ako napatayo at napahiya, ang una at huling pagkakataon na yun. Kaya simula noon, nagbasa na ako ng El Fili, wala akong choice. Pero natatandaan ko ang unang kabanata ng El Fili na "Sa Kubyerta" kung saan sa umpisa palang ay di ko na maintindihan ang mga karakter na nakakalito na e puro mga bahagi pa ng "tayutay" (figure of speech po sa ingles, kuha nyo? hehehe) ang mga binabanggit doon (labo talaga ni idol Rizal e hehehe). At natatandaan ko rin na nagtanong ang guro ko tungkol sa"Bapor Tabo" kaya ang bapor na yan ay hinding-hindi ko malilimutan kahit magkaroon pa siguro ako ng Alzheimer disease baka banggitin ko pa rin ang salita na yan, peksman! hehehe.  Mas masuwerte nga ang mga kabataan ngayon dahil isang click lang ng mouse ng computer ay makikita na nila ang mga buod ng El Fili, mas madaling magresearch ngayon hindi tulad dati na pupunta ka pa ng library para makapagbasa at pahirapang gumawa ng sariling buod ng bawat kabanata.

Eto ang nakakatuwa paminsan-minsan may mapupulot akong aral.....sa isang teleserye hehehe. Natuwa kasi ako sa isang eksena sa bagong teleserye ng ABS CBN o TFC sa ibang bansa, ang "Angelito (Ang Batang Ama)."  Hinaplos nitong muli ang mga alaala ko noong mga araw ko sa high school. Sa pangalawang araw ng teleserye nito (Nov. 15, 2011 hala alam ko pa ang date hahaha) ay natuwa ako na binanggit dito ang El Filibusterismo, ang unang kabanata, "sa Kubyerta" kung saan tinalakay nila ang Bapor Tabo. Eto pa, sa kagustuhan kong i-blog ang paksa na ito ay sinaliksik kong muli ang mga eksena nila sa pamamagitan ng internet. Ayun, natagpuan ko sa website na lagi kong pinupuntahan, ang pinaytambayan.com kaya kung may namiss kayong mga teleserye o shows punta lang kayo doon at sasaya na ang araw niyo hehehe. So eto ang talakayan nila:

Sa klase ni Rosalie:
Rosalie (ang gf ni Angelito na nabuntis niya): "Nahahati po sa dalawang kubyerta ang Bapor Tabo na sinakyan ni Simoun sa unang kabanata ng El Fili. Yun nasa ilalim po ay yun mga Indiyo at ang nasa itaas ay yun mga prayle at mayayamang Espanyol. Para sa kin, sa tingin ko po na sinadya ni Dr. Rizal na 'tabo" ang itawag sa bapor na sumisimbolo sa pamahalaan noon kasi hugis bilog, hindi umaandar, mabagal ang kilos at walang kapupuntahan."

Naks, yun pala ang kahulugan ng Bapor Tabo hehehe...eto naman ang eksena sa klase ni Angelito:
Guro: Ano ang sinisimbolo ng Bapor Tabo sa El Fili? (Tinawag si Angelito na hindi nakikinig kakaisip kay Rosalie, nahuli kasi siya ni Rosalie na tumalon sa "Talon" na nakahubo hehehe)

Angelito: Ma'am di ko po alam.
Guro: Ano ang nasa isip mo pag sinasabing tabo?
Angelito: Ma'am, kailangan po itong gamitin pag naliligo sa banyo at hindi po dapat maliligo sa ilog na nakahubo.

hahahaha

Natawa ako dito, parang mga kaklase ko noong high school puro kalokohan ang mga sagot, hindi man yan ang eksaktong sagot nila ay yun paraan ng pagsagot, swak na swak sa sira ulo kong mga kaklase. 

Ang tanda ko lang at nakakaintriga at nakakabigla talaga sa nobela ni Rizal ay itong si Padre Damaso pala ang tunay na ama ni Maria Clara, kala ko kasi chismis lang yun hahaha.

Isa pang naalala ko, nang minsan, nagtanghal ang grupo ng mga kaklase ko na kung saan ang isang karakter ay si Hule, eto kasing kaklase ko na gumanap bilang Hule ay may "kakaibang amoy" as in alam nyo na may BO hehehe, kaya yun mga siraulo kong kaklase, lumipat ng upuan papunta sa akin at sabay sabi na "Si Hule may putok, may putok!!!" hahaha grabe kaya simula noon, "Hule" na ang bansag sa kaklase ko na yun hahaha mabuti nga at hindi "putok" e kasi yun isa kong kaklase ay nabansagan na kasi na "USI" as in malakas kasi ang putok din bwahahaha.

PAHABOL: Ako pala ang naging Best in Filipino noong graduation namin sa kabila ng pamamahiya sa akin ng aming guro, naks naman kaya si Angelito may pag-asa pa hehehe.











Thursday, November 10, 2011

HULA SCOOP: Magmumuni-muni ka sa iyong mga nakikita sa paligid



HULA:  Magmumuni-muni ka sa iyong mga nakikita sa paligid,  may mga bagay kasi na akala mo pareho pero iba at may mga bagay na akala mo iba pero pareho pala.

SCOOP: Napag isip ba kayo ng hula ko? Ako, oo! Di ko naintindihan kasi yun hula ko e hehehe, masyadong malalim pero parang mababaw naman, ayan parang katulad ng sinabi ko na yan, walang pinag-iba yan sa pareho pero iba. Hay naku nakakaloka, kahit hindi hahaha.

--------------------------------------------------------------


Nakita ninyo ba ang larawan na nasa itaas?? Yun isa sa kanan galing Japan at yun isa galing pa ng Pilipinas. Binili ko muna yun sa Japan kasi nga natawa ako sa spelling nila at nang umuwi ako ng Pilipinas noong isang taon talagang bumili pa ako ng rexona para lang ipaghambing ang dalawa at para lang sa blog ko na to ha, hehehe (ang weird ko talaga!! hahaha). Sa palagay nyo iisa lang ba ang may gawa nito? Pareho sila pero nagkakaiba sa spelling, inisip ko na lang na hindi lang marunong magspelling ang mga Hapon o yun lang talaga ang pagbigkas nila ng Rexona. Mukhang pareho namang tama yun dalawa kasi may check pa ibig sabihin tama yun spelling hehehe. Pero dapat yun made in Japan na yan e "ekis" o "x" ang nilagay at hindi check kasi nga mali ang spelling, hindi ako makakapayag e hahaha. Yun sa Japan pala ay spray at ang Pilipinas naman ay roll-on, so anong gusto ninyo? Pili na! hehehe. Siyanga pala, walang Rexona dito sa US, sa aking pagkakaalam dahil ginalugad ko na ang mga groceries dito pero wala akong matagpuan hehehe.




Eto pa, nivea naman tayo, pareho ba sila o iba?? alin, alin, alin ang naiba? isipin kung alin ang naiba, isipin mabuti, isipin kung alin, isipin kung alin ang naiba lalalala kinanta ko na lang yan hehehe kung natatandaan nyo pa yun batibot yan ang isa sa kinakanta nila Kuya Bodjie hehehe (yun ay kung kasing edad ko kayo hehehe).

Yun nasa kanan, Japanese version ng Nivea, nakita nyo ba yun drawing na parang lotion o logo nito? yun nasa kaliwa na US version ay pahalang ang logo/drawing nila na may parang droplet at yun nasa kanan naman ay pataas ang drawing nito o pa-vertical, kuha mo? kuha mo?? (hahaha tagline na naman ng 100 days to heaven).



Salonpas!! Alin ang naiba?? Pareho sila pero iba, hahaha. Actually naitapon ko na yun salonpas na nabili ko sa Japan (sayang! kakainis) kaya yun nasa kaliwa ay US version at yun nasa kanan naman ay galing pa ng Pilipinas, roll-on na po. At kung hindi pa ako napunta ng Japan hindi ko malalaman na galing pala talaga sa Japan ang salonpas at mabibili ito sa 50 bansa kaya di nakakapagtaka na meron din dito nito at made in Japan talaga ang nakalagay at yun roll-on naman na nabili ko sa Pilipinas ay made in Indonesia naman.

PAHABOL: Wala lang.....hehehe